MAY isang magandang sinabi si President Noynoy Aquino sa paggunita sa Araw ng Kagitingan noong Miyerkules (Abril 9). Sabi niya, unti-unti na raw inaalis ng pamahalaan sa listahan ang mga pekeng World War 2 veterans. At nagbanta pa siya sa mga pekeng beterano na sa lalong madaling panahon ay mabubulgar ang kanilang panloloko sa gobyerno. Ayon sa Presidente, ipinatigil na nila ang benepisyo ng may 22,534 na mga pekeng beterano at agad din namang sinuspinde ang may 14,616 na pekeng beterano rin. Nililinis na aniya nang husto para ang ganap na makinabang ay ang mga lehitimong beterano ng digmaan at kanilang mga benepisÂyaryo. Ayon sa Presidente, tinatayang nasa 133,784 ang mga lehitimong beterano sa kasalukuyan. Kinumpirma naman ito ng Philippine VeteÂran’s Affair Office (PVAO). Ayon pa sa Presidente sisiguruhin daw nila na bawat perang lalabas sa kaban ng bansa ay mapupunta lamang sa mga tunay o lehitimong beterano at kanilang benepisyaryo.
Makabuluhan ang sinabing ito ng Presidente. Dapat ngang matigil na ang pagsasamantala ng mga pekeng beterano at nararapat lamang na makinabang ay ang mga tunay na nagtaya ng kaÂniÂlang buhay sa bayan. Dapat noon pa nilinis ang listahan sa mga pekeng beterano. Sa tagal ng panahon, marami na silang nahuthot sa kaban at nagpasasa gayung wala naman silang naipaglingkod sa bansa. Nakapanggigigil na may mga tunay na beterano na hindi nabigyan ng pagkilala at marami ang namatay na. Binaon na lang nila sa hukay ang alaala nang pinagdaanang pagsasakripisyo para maipagtanggol ang Inambayan.
Bagama’t makabuluhan ang sinabi o babala ng Presidente ukol sa mga pekeng beterano, marami naman ang nagsabi na dapat ay magkaroon ng pagÂbabago sa tinatanggap na benepisyo ng mga beterano. Kailan daw kaya dadagdagan ang kanilang tinatanggap na pensiyon? Sa kasalukuyan, tumatanggap lamang ng P6,700 ang mga beterano. Matagal na raw panahon na kanilang hinihiling na madagdagan ito hindi raw marinig ang kanilang hinaing. May beteranong nagsabi na kaunting panahon na lamang ang ilalagi nila sa mundo at sana naman daw ipagkaloob sa kanila ang hinihiling na dagdag-pensiyon bago man lang sila panawan ng ulirat.
Kawawa naman ang mga beterano at sana, mapa-kinggan ang kanilang kahilingan. Ipagkaloob na sa kanila ang karapat-dapat bago maging huli ang lahat.