MARAMI pa ring naninigarilyo kahit na mataas na ang presyo. Kaya balak ng Senado na magsagawa ng pagsisiyasat ukol dito. Gusto nilang malaman kung bakit nangyari na marami pa ring lulong sa yosi. Sabi ni Sen. Juan Edgardo Angara, chairman of the congressional oversight committee on comprehensive tax reform, ipatatawag niya ang cigarette makers, BIR at Customs at pagpapaliwanagin ukol dito. Ayon kay Angara, nilikha ang Sin Tax Bill para mapigilan ang paninigarilyo subalit kabaliktaran ang nangyayari sapagkat lalong dumami ang naninigarilyo. Ayon pa kay Angara paiimbestigahan din niya ang umano’y cigarette smuggling.
Nakapagtataka ito na lalo pang dumami ang naninigarilyo kahit nagmahal ang presyo. Wala ring epekto kung ganoon ang pagtataas ng tax. Ang kikitain sa tax ay itutustos din lang sa mga magkakasakit sa baga, puso, lalamunan, dila at pisngi na pawang dulot ng paninigarilyo. Hindi maganda ang katutunguhan. Dapat ay wala nang maysakit dahil sa paninigarilyo.
Ayon sa World Health Organization (WHO), 71 percent ng cancer death sa mundo ay nakuha sa paninigarilyo. Dito sa Pilipinas, ang lung cancer ang nangungunang dahilan ng kamatayan ng nakararaming lalaki. Marami sa mga nagkakaroon ng cancer ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Marami sa may sakit ang namamatay na hindi na nakaabot sa ospital at hindi na rin nakatikim ng gamot.
Maganda ang nais ng Senado na maimbestigahan ang pagdami ng mga sugapa sa yosi subalit ang nararapat ay maaprubahan na ang Senate Bill 3283 na nag-uutos sa mga cigarette company na ilagay sa mga kaha ng sigarilyo ang picture ng mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Ito sa aming paniwala ang maaaring solusyon sa pagkasugapa sa yosi at maiwasan ang mga sakit.