Kalidad ng edukasyon pa rin

NABALITAAN ko na ilang mga kolehiyo ay magbabago na ng kanilang pagsimula ng klase. Sa Agosto na raw magsisimula ng klase ang ilang kolehiyo, ayon na rin sa panukala ng iba na dapat nga ay Agosto ang simula ng klase. Pero para sa mga kolehiyo lamang ang bagong schedule. Ang grade school at high school ay sa Hun­yo pa rin magsismula. Kailangan na raw sumunod sa ginagawa ng halos lahat ng paaralan sa mundo, para maging kaakit-akit na rin ang ating mga kolehiyo sa mga dayuhang mag-aaral. Ginawa ring dahilan ang tag-ulan, na siyang sanhi ng madalas na pagsuspend ng klase dahil sa pagbaha.

Nasa mga kolehiyo ang desisyon kung nais nilang baguhin ang kanilang schedule. Pero kung ang CHED ang masusunod, hindi sila sang-ayon sa pagbago. Hindi raw makatwirang dahilan ang tag-ulan para baguhin ang schedule. Bagama’t umuulan na nga sa mga buwan ng Hulyo, umaabot naman hanggang Setyembre o Oktubre pa nga ang panahon ng mga bagyo, kaya apektado pa rin ang mga klase ng malalakas na bagyo at pagbaha. At kung Agosto ang simula ng klase, aabot sila ng Abril at Mayo, kung kailan naman matindi ang init. Para sa mga silid-aralan na wala namang aircon, mistulang mga pugon ang magiging resulta. Kawawa ang mga mag-aaral.

Para sa CHED, mas mahalaga pa rin ang kalidad ng edukasyon ng mga unibersidad sa Pilipinas kaysa sa makibagay sa schedule ng ibang bansa. Ito ang aakit sa mga dayuhang mag-aaral. Tama rin naman ito. Sa mga nakaraang taon, tila bumaba ng ranggo ang mga kilalang unibersidad sa Pilipinas. At isang panukat ay ang dami ng mga dayuhang mag-aaral. Tinatalo na tayo ng mga unibersidad ng ibang bansa sa Asya sa dami ng kanilang mga dayuhang mag-aaral.

Mahirap sabihin kung sino ang tama sa debateng ito. Parehong may mga makatwirang dahilan ang kanilang opinyon. Sa ngayon, tatlong unibersidad pa lamang ang magbabago ng kanilang schedule. Malalaman din natin kung magiging epektibo ang kanilang desisyon. Pero tama ang CHED na kailangang pagandahin nang husto ang kalidad ng edukasyon ng mga paaralan. Noong araw ay napakataas ng ranggo ng mga kolehiyong Ateneo, UP at De La Salle, pati na rin ng UST. Pero sa mga nakaraang taon, medyo bumaba na silang lahat. Kailangan makabalik muli sa itaas, ika nga. Para kahit na maulan dito sa atin, dito pa rin mag-aaral ang marami.

Show comments