Black market

MAY ilang buwan o kundi ilang taon na ring walang nabibiling ginto ang gold buying station ng Bangko Sentral ng Pilipinas dito sa Davao City mula sa mga minero ng Mt. Diwalwal sa Monkayo, Compostela Valley at sa iba pang mga kalapit na kinukonsiderang gold-rush sites gaya ng bayan ng Pantukan at Maco.

Kung dati ay umaabot sa P50 million hanngang P100 million sa isang araw ang halaga ng ginto na nabibili ng  Bangko Sentral, ngayon ay talagang nada as in wala.

Hindi naman ibig sabihin nito na wala nang gintong namimina sa Mt. Diwalwal, na tinuturing na isa sa may pinakamaraming deposito ng gold ore sa bansa.

Ayon sa sources, ang dahilan ng pagbagsak ng bilihan ng ginto sa Bangko Sentral ay dahil nga sa black market.

Mas pinili pa ng mga minero na ibenta ang kanilang ginto sa  black market dahil una ay mas mataas ang bilihan dito at pangalawa ay hindi na nila kailangang i-transport o dalhin sa Davao City ang kanilang ginto upang ibenta sa Bangko Sentral.

Pangatlong dahilan ng small-scale miners ay ang mataas na taxes na pinapataw ng pamahalaan kada ginto na nabebenta nila sa Bangko Sentral.

Ang black market na ang pumupunta sa Mt. Diwalwal para sa bilihan nila ng ginto. Kaya naman naiibsan ang gastusin ng mga minero sa pagdala ng ginto sa Davao City. At isa pa, menos na rin ang security risk sa mga hold-up ng ginto pag binibiyahe.

Naging ganito na nga ang kalakaran ng ginto sa Mt. Diwalwal. At sino ba ang black market na ito? Sila yung may financial capacity na bumili ng bulto-bultong ginto at agad ipapadala sa ibang bansa gaya ng Hong Kong.

Ang tanong, bakit hindi hinahabol ng ating pamahalaan ang mga nasa black market  lalo na at hindi sila nagbabayad ng buwis? Malakas din ba kapit nila?

May higit 200,000 na small-scale miners na nagmimina sa Mt. Diwalwal at iba pang karatig lugar simula pa noong 1980s. Libu-libo na rin ang namamatay na mga minero dahil sa landslide at minsan sa awayan sa pagitan ng dalawang magkatunggaling grupo ng mga manggagawa.

Nakasalalay ang buhay ng small-scale miners na ito at kanilang mga pamilya sa pagmimina. Ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin maayos-ayos ng pamahalaan ang kanilang pamumuhay.

 

Show comments