Dahil sa dalita?

Mga terorista, mga magnanakaw

may mga tulisang kaaway ng bayan;

Bakit ba ganito sa maraming lugar

ngayong hangad natin ay kapayapaan?

 

Ang katahimikan ay waring mailap

ito’y laging wala kapag hinahanap;

Ang katulad nito’y diwatang mailap

habang sinusuyo’y parang nasa ulap!

 

Kaya papaanong itong ating bansa

magiging tahimik tayo’y sasagana?

Ang kapayapaan ay palaging wala

dahil sa narito ay maraming wala?

 

Dahil sa maraming dukha at mahirap

ang katahimikan sa ati’y mailap

Kung sa bansang ito’y walang nagsasalat

ang payapang buhay sasaating lahat!

 

Kahi’t anong gawin ng ating gobyerno

sa loob ng bansa lagi nang magulo;

Itong mga dukha walang sinasanto

kundi ang hangaring guminhawa ito!

 

Ang katwiran nila sila’y inaapi

kaya sa mayaman ay naghihiganti;

Hindi nila pansin gawaing mabuti

sa hangad makuha ang gintong marami!

 

Sa nasang magkamit ng maraming pera

ang buong lipunan inaaway nila;

Buhay na tahimik hindi ninanasa

mabuhay mamatay ay balewala na!

Show comments