3 cock derby ni Kuyang Biyong Garing

PINAGHAHANDA ni Kuyang Biyong, promoter, ang 3-cock derby nito para sumaya at mapalaban ng maganda ang madlang kasabong sa Victoria Cockpit Arena, Victoria, Oriental Mindoro, this coming April 11, 2014 at 6pm.

Sabi ni Kuyang Biyong, ang pot money ay P5,500, minimum bet ay P5,500, prize open with matching trophy sa magwawagi.

Abangan.

Pairalin ang pagmamahal sa bayan

IKINUENTO ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na barka-barkada, kampi-kampihan at takip-takipan daw kaya naman mukhang ito ang nangyayari ngayon kay VP Binay sa pagkakadawit ng kanyang mga kaalyadong senador sa P10 bilyong pork barrel scam?

Naku ha!

Totoo kaya ito?

Nagtataka ang madlang people sa Philippines my Philippines mukhang tameme si VP Binay sa pagkakadawit ng kanyang mga kaalyadong sina Senator Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile dahil hindi ito kumikibo para sabihin na hindi niya kakampihan o kukunsintihin ang katiwalian maging ito ay kanyang mga kakosa este mali kaalyado pala sa politics.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kabaliktaran pa nga ang ginawa nito dahil sa halik este mali halip pala na palakasin ang loob ng mga testigo sa pork barrel scam, agad na hinusgahan ni Binay na ‘dud’ o walang dating o bigat ang testimonya ni Ruby Tuazon, isa sa mga humarap na testigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa isyu.

Ika nga, binokya!

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, tama ang punto ni Senator Alan Cayetano. Bakit nag-iba na si Binay? Noong si GMA ang nalagay sa alanganin dahil sa sinasabing katiwalian ng kanyang administrasyon, kaliwa’t-kanan ang batikos ni VP noon laban dito.

Kasabayan niyang kritiko noon ni GMA si Senator Ca­yetano. Ngayon, kritiko pa rin si Alan ng katiwalian at korap­syon pero si Binay, bakit hindi niya magawang maglabas man lang ng matapang na pahayag na ang hustisya ang dapat pairalin at hindi pulitika.

Sabi nga, dapat parusahan ang mga nagkasala batay sa ebidensya kahit ito ay kapamilya, kapuso, kaibigan at kakampi sa politics.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa halip, ipinagsisigawan pa ng pangalawang pangulo na pinupulitika ang kanyang mga kaalyado sa oposisyon.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, malinaw na nakita ni Binay ang pamumulitika na ginagawa laban sa kanilang hanay pero mistulang sinasabing bulag daw siya sa katotohanang dapat ay may katapat na kaparusahan ang mga mapapatunayang nandambong at lumustay ng kaban ng bayan.

Kawawa naman ang Philippines my Philippines kung sakaling matutupad ang ambisyon ni Binay na maging Pa­ngulo? Kailangan ba natin ng isang diumano’y kunsintidor na lider na mamumuno sa bayan? Tuluyan na bang magiging tuwad na daan ang nasimulang tuwid na daan ng kasalukuyang administrasyon?

Naku ha!

Ano ba ito?

Totoo kaya ito?

Ngayon pa lamang, marami na ang mga lumulutang na pangalan na sasabak sa 2016 presidential elections. Maging seryoso na sana ang madlang botante sa pagpili ng mga susunod nating lider.

Paurong at hindi pagsulong ang mangyayari sa Phi­lippines my Philippines kung ang paiiralin ng ating mga kagalang-galang na pulitiko at mga halal ng bayan ay ang pagmamahal sa kanilang mga kakampi, kaibigan at hindi ang pagmamahal sa ating Inang Bayan!

Abangan.

Show comments