MABUTI naman at inako ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagbigay ng scholarship sa mga mag-aaral na dating umaasa sa mga pork barrel ng mambabatas. Dahil wala na ngang pork barrel, nangamba ang marami na wala nang sasagot ng kanilang edukasyon. Ito ang naging isang masalimoot na isyu noong pinagtatalunan kung dapat nang tanggalin ang PDAF mula sa kamay ng mga mambabatas. Pinawi ng CHED ang pangamba, at sila na ngayon ang maglalaan ng pondo para sa mga scholar. Natutuwa ako at wala na sa mga kamay ng pulitiko ang pagpapaaral ng mga estudyante. Natutuwa ako na wala nang utang ng loob ang mga mag-aaral sa mga pulitiko.
May requirements lang na hinihingi ang CHED, tulad ng pasadong grado at patunay na ang kita ng kanilang pamilya ay hindi hihigit sa P300,000 kada taon. Dito magkakaalaman kung lahat ng dating tumatanggap ng tulong pinansyal mula sa mga mambabatas ay karapat-dapat ngang maging scholar. Baka kasi ang iba ay tumatanggap kahit kaya naman nila, pero may kapalit kasing pabor para sa mga mambabatas, tulad ng boto. Maraming karapat-dapat na estud-yante ang makikinabang sa programa ng CHED kung magiging maayos at tama ang paglaan ng pondo.
Pero dahil magtatapos na naman ang isang academic schoolyear, ilang libong bagong graduate ang haharap naman ngayon sa bagong hamon, trabaho. Hindi lahat ng magtatapos itong Marso ang makakakuha kaagad ng trabaho. Ang ilan diyan ay magpapatuloy ng kanilang pag-aaral, ilan diyan ang mahihirapan maghanap ng trabaho, at ilan diyan ay aalis para magtrabaho sa ibang bansa. Maganda sana kung may mga handang trabahong naghihintay sa mga magtatapos. Pero kahit gumaganda na ang ekonomiya ng bansa, hindi pa lahat ay mabibigyan ng garantisadong trabaho.
Edukasyon pa rin ang mahalaga para sa ikauunlad ng bansa. Kahit ano pang sabihin ng ilan diyan, mahalaga ang nakapagtapos ng kolehiyo. Madadala ka ng iyong edukasyon kahit saan sa mundo, kung gugustuhin mo. Tama lang na magpatuloy ang scholarship program para sa mga karapat-dapat na estudyante. Mabuiti nga at nasa mas maayos na kamay na ang pondo para sa kanila. Para naman sa mga mag-aaral na nakikinabang sa programa, sana ay nasaisip rin nila ang bansa. Ang bansa ang nagpaaral sa kanila, kaya sana sa bansa rin sila magbigay ng serbisyo. Tulungan lang, hindi ba?