SA pinakahuling emosyonal na apela ng kampong tumututol sa truck ban ng Maynila, tinawag na economic sabotage ang ordinansa dahil sa epekto raw nito sa kalakalan at sa ekonomiya. Hindi raw agad makalalabas ang mga produktong kinakailangan ng merkado. Tinatayang aabot na sa 100% capacity ang Port of Manila at International Container Terminals pagdating ng unang linggo ng Marso kapag hindi maipagpatuloy ang nakagawiang paglabas ng mga container na lulan ng mga truck. Masyadong tataas ang halaga ng negosyo.
Medyo marami-rami pang dapat baguhin bago magkaroon ng magandang transition mula sa Maynila sa ports ng Subic at Batangas. Sisiguruhin munang makakadiretso roon ang international cargo ships at magpapagawa pa ng mga lansangang babaybayin ng mga truck. Kahit pa halos 5% lang ang capacity ng dalawang ports sa ngayon, medyo dekada pa siguro ang bubunuin bago matagumpay na mailipat doon ang bahagi ng volume na meron sa port of Manila.
Ang panukala ng mga kontra? WALA. Magtiis na lang ang mga mamamayan ng Maynila. Magtiis na lang sa araw-araw na kasikipan ng traffic hatid ng pakikipagsiksikan ng kanilang mga higanteng truck sa makikitid na kalsada ng lungsod. Magtiis na lang sa kawalan ng oportunidad sa negosyo at trabaho dala ng oras na nasasayang sa lansangan. Magtiis na lang sa hindi mabilang na aksidenteng kinasasangkutan ng mga truck at ang nabibiktima nitong mga buhay, kalusugan at propriedad. Magtiis na lang sa hindi masukat na polusyon mula mismo sa mga truck at mga sasakyan habang nakatigil sa buhol-buhol na traffic. Magtiis na lang sa taun-taong gastos sa pagpapaayos ng mga kalsadang nasisira ng toneladang timbang ng mga truck. Maperwisyo na ang lungsod at ang mga mamamayan ng Maynila, huwag lang sila.
Nagsalita na ang mga mamamayan ng Maynila sa pamamagitan ng kanilang mga kinatawan sa Konseho. Tapos na ang matagal na panahong sakripisyo. Kung hindi manindigan, magpapatuloy ang hanapbuhay ng truckers subalit tuluyan nang mamamatay ang lungsod. Tama na.
Sa kabila nito ay pumayag pa rin ang lungsod na pagaanin muna ang pagpatupad ng ordinansa – iniklian ang oras na sakop ng truck ban. Ano ngayon ang panukalang solusyon na isasagot ng truckers?