Bakit ang biktima ng bagyong Yolanda
Hindi dinaratnan ng tamang ayuda?
Tacloban at Samar, ngayo’y nakanganga
Pagka’t walang datung para sa kanila?
Dumagsa ang tulong nang maraming tao
Nagmamalasakit mga tagarito;
Nagbibigay na rin halos buong mundo
Pera at pagkain ang dalang regalo!
Mga Pilipino at mga dayuhan
Kumikilos sila at nagtutulungan
Tapat ang hangarin sana’y mabawasan
Ang hirap at dusa ng Kabisayaan!
Subalit nasaan kailangang tulong
Hindi dumarating at waring natapon?
Tulong ng gobyerno’y naglalaho ngayon
Sagip kapamilya ang tanging naroon!
Nasaan ang pondong naipon ng PDAF
Na dating pork barrel nitong mambabatas?
At saka ang pera ng nagpapalakad
Bakit di ibigay sa salanta at hirap?
At nasaan ngayon pera ng dayuhan
Na sabi’y bilyon nang dapat ipamigay?
Bakit hanggang ngayo’y pinag-uusapan
Sa ating Kongreso ang pondong nalaan?
Ito ba’y dapat pang itago sa lahat
Lalo na sa ating binagyo at salat?
Kung calamity fund ibigay na agad
Upang masiyahan mga naghihirap!