SINA Artemio Diokno, Nestor Oliver at Galicano Agustin ay mga naging presidente ng United Filipino Associations in the Emirates (UFAE) noong panahong ako ay Labor Attache sa Abu Dhabi, UAE, mula 1983 hanggang 1989 bago pa ako itinalagang Ambassador sa nasabing bansa mula 1994 hanggang 1998.
Parang one man army ako noong ako ay Labor Attache dahil wala akong staff. Mabuti na lang at tinulungan ako noon nina Artemio, Nestor at Galicano. Sila ang pinakikiusapan ko na dumalaw sa ibang OFWs sa mga piitan kapag hindi ko na kayang gawing mag-isa. Ang UAE ay may pitong emirates at bawat emirate ay may kanya-kanyang central jail.
Dahil ako at ang aking buong pamilya ay kumukupkop nang maraming runaway domestic helpers sa maliit naming apartment, sina Artemio, Nestor at Galicano ay regular na nagpapadala sa bahay ng mga sako ng bigas, de-lata at mga sariwang isda. Hindi kasi ako binibigyan ng gobyerno natin ng pangtustos sa mga pangangailangan ng mga runaway dahil daw dapat dalhin ko sila sa mga kinauukulan sa UAE dahil ang turing sa mga runaway doon ay fugitives from justice. Pero naawa ako sa mga runaway na minaltrato kaya ipinasya kong kupkupin na lamang sila sa bahay at ako na lang ang nagpupunta sa police station at immigration para isumbong at harapin ang mga amo nila.
Kadalasan naaayos naman ang mga problema dahil sa diplomasya. Pero kapag ang kaso ay physical o sexual abuse, pinasasampahan ko talaga ng criminal case at wala akong sinasanto. Minsan nga, sa tulong ng boss ko noon na si Ambassador Antonio Ramirez, may pina-deport kaming Consul General ng isang African country dahil sa acts of lasciviousness sa kanyang housemaid na Pilipina.
Salamat sa tulong nina Artemio, Nestor at Galicano. Mabuhay kayong tatlo!