EDITORYAL - Mag-inspeksiyon lagi ang LTFRB

KUMPARA noon, mas mabilis kumilos ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayon sa pag-aksiyon sa mga kinasasangkutang aksidente o aberya ng mga pampasaherong bus. Isang araw makaraang maganap ang malagim na trahedya sa Bgy. Talubin, Bontoc Province kung saan nahulog sa 120 meters na bangin ang Florida Bus, pinatawan agad ito ng LTFRB ng 30 araw na suspension. Hindi makakabiyahe ang 228 units ng Florida na ang terminal ay nasa Sampaloc, Manila. Noong Sabado, mismong si LTFRB chairman Winston Ginez ang nanguna sa pag-alis ng plaka ng mga bus na umano’y illegal na pumapasada sa Mountain Province. Colorum umano ang mga bus na bumibiyahe sa Mountain Pro-vince. Ayon sa LTFRB ang plaka ng naaksidenteng bus ay nakarehistro sa bus ng Mountain Province Cable Tours. Ayon naman sa pamunuan ng Florida, nabili nila ang mga bus na pag-aari ng nabanggit na tour bus company noong nakaraang taon.

Kung ganito kabilis umaksiyon ang LTFRB sa mga naaaksidenteng bus, magkakaroon ng pagbabago at mababawasan ang mga malalagim na aksidente. Mag-iingat na ang mga bus company sa pagkuha ng mga drayber, at regular na pagmi-maintain ng kanilang mga bus. Ayon sa kuwento ng mga nakaligtas na pasahero ng Florida, nawalan ng preno ang bus habang palusong sa kurbadang bahagi ng kalsada. Sa isang iglap, bumulusok ang bus at 14 ang namatay na pasahero at ikinasugat ng 20 iba pa. Kabilang sa mga namatay ang dalawang dayuhan at ang komedyanteng si Arvin Jimenez na kilala bilang si “Tado”.

Ipinakita na rin ng LFTRB ang pagkilos nang mahulog sa Skyway sa Parañaque ang Don Maria­no Transit Bus noong Disyembre 16, 2013 na iki­namatay ng walong pasahero at ikinasugat ng 30 iba pa. Agad sinuspende ng LTFRB ang operas­yon ng Don Mariano at makaraang ang isang buwan, kinansela na ang prankisa nito.

Mas magiging kapuri-puri ang LTFRB kung magkakaroon sila ng regular na pag-iinspeksiyon sa mga bus company para masiguro na sumasailalim ang mga unit sa regular check-up. Kapag nagawa ito ng LTFRB, hahangaan sila ng publiko.

 

Show comments