HUMAN error ang isa sa nakikitang dahilan kaya nahulog sa bangin ang Florida Bus noong Biyernes ng umaga sa Bontoc, Mountain Pro-vince. Isa pang dahilan ay ang pumalyang preno. Labing-apat na pasahero, kabilang ang dalawang foreigners ang namatay sa trahedya. Kasama rin sa namatay ang komedyanteng si Tado o Arvin Jiminez sa tunay na buhay.
Noong nakaraang Disyembre 16, 2013, dumayb naman mula sa Skyway ang Don Mariano Transit Bus na ikinamatay ng walong pasahero at ikinasugat ng 30. Sinuspinde na nang tuluyan ang prankisa ng DMTC. Hindi na makakabiyahe ang mga bus ng DMTC dahil na rin sa marami pang paglabag. Ang nagpataw ng kanselasyon sa prankisa ng DMTC ay ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board.
Sa trahedyang sinapit ng Florida, agad namang gumawa ng aksiyon ang LTFRB. Hindi na pinabiyahe ang may 200 bus ng Florida sapagkat nakitang colorum ang bus na sangkot sa aksidente. Kung kailan papayagang bumiyahe ang mga bus ng Florida, ang LTFRB lamang ang makapagpapasya.
Mabuti naman at maagang kumilos ang LTFRB sa kaso ng Florida. Kung colorum ang naaksidenteng bus, walang ibang talo rito kundi ang mga pasahero. Kanino sila maghahabol? Sino ang sasagot sa pagpapalibing ng mga namatay? Sino ang magpapagamot ng mga nasugatan? Hindi kaya maging katulad ng nangyari sa Don Mariano na hanggang ngayon ay hindi pa umano nababayaran ang mga pasaherong namatay at nasugatan.
Ang paghihigpit sa pagbibigay ng prankisa ang dapat ipatupad ng LTFRB. Naniniwala kami sa pinuno ng LTFRB na magkakaroon ng pagbabago sa tanggapan na hindi katulad sa mga nakaraan na pagkatapos masangkot sa aksidente ang bus ay nakakabiyahe na naman.
Bukod sa LTFRB dapat ding kumilos ang LTO at tingnan ang kakayahan ng mga bus driver. Maraming bus driver na mangmang sa road signs.
Kailangang maghigpit ang LTO sa pag-iisyu ng driver’s license. Kawawa naman ang mga pasaherong dinadala sa hukay.