DISMAYADO raw ang Malacañang. Sa kabuuang 157 kaso ng rice smuggling na naisampa ng Bureau of Customs (BoC) sa korte ay wala ni isang conviction hangga ngayon simula pa noong 2010. Iyan ang isang bagay na hindi ko maunawaan. Bakit maraming celebrated case na long overdue ang promulgasyon?
May tiwala ako sa hudikatura. Pero palagay ko, ang ikabibilis ng usad ng kaso ay depende sa mga ebidenÂsyang iniharap ng mga nagsasakdal. May airtight case kaya laban sa mga rice smugglers?
O baka naman magagaling ang abogado ng mga smugglers kaya nadadaan sa delaying tactics. Ewan ko kung bakit sa loob ng apat na taong singkad ay walang nangyaring conviction. Why oh why kaya?
May pakikialam kaya ang tatlong justices na kinaiinisan nang marami: Sina Justice Delayed, Justice Denied at Justice For Sale?
Ayaw kong isipin na ang pagsasampa ng kaso ay “pakitang tao lang†para akalain ng taumbayan na may ginagawa naman pala ang Bureau of Customs laban sa mga smugglers. Ayaw ko ring isipin na ang mga hukom ay natatapalan ng salapi ng mga nakademandang smugglersÂ. Naniniwala akong wala nang “hoodlums in robes†sa panahon ng Daang Matuwid.
Ganyan din ang pagkabalam ng mas karumal-dumal na Maguindanao massacre na nangyari noon pang Nobyembre 2009. Hindi puwedeng idahilan na kailangang siguruhin na talagang guilty ang mga nadedemanda para tiyaking mailalapat ang totoong hustisya. Ang lima o apat na taong pagkabalam ay maituturing nang pagkakait ng katarungan.
Sa dalawang kasong ito, parehong may bultu-bultong yaman ang mga nasasakdal. Ang kayamanan ng Ampatuan ay di na kailangang pag-usapan porke batid na ng lahat. At saan ka naman nakakita ng mga big-time smugglers na walang pera?
Kung may lehitimong dahilan man para mabitin ang mga kaso, iba ang impresyong maitatanim sa isipan ng taumbayan. Kaya ang panawagan ng PaÂlasyo sa hudikatura ay sana, bumilis ang usad ng kaso laban sa mga rice smugglersÂ. At idaragdag ko na rin diyan ang karumaldumal na Maguindanao massacre na hangga ngayon ay wala pang resolusyon habang karga-karga ng mga inulila ng mga biktima ang matinding galit sa kawalan ng katarungan.