MARAMING kanin ang itinatapon lamang sa basurahan ng mga restaurant. Sa dami ng mga kumakain, maraming kanin ang nasasayang dahil hindi inuubos. Merong oorder ng dalawang cups ng kanin pero hindi naman pala kayang ubusin. Merong nagpapasobra pa ng isang cup pero hindi naman pala makakain dahil busog na raw. Yung ibang restaurant ay unlimited ang pagsi-serve ng kanin ay walang tigil sa pagsandok sa mga customer na kadalasang hindi naman nauubos. Swak sa basurahan ang mga kanin at walang ibang nakikinabang kundi ang mga nangungulekta ng kaning-baboy. Sobra-sobra sa mga basurahan ang kanin na itinapon ng mga mapag-aksayang Pilipino sa buong bansa.
Ayon sa Philippine Rice Research Institute, tatlong kilong kanin ang inaaksaya ng bawat Pinoy taun-taon. Ang halaga nito ay humigit-kumulang na P23 milyon araw-araw. Napakalaking pera ang nasasayang dahil sa mga itinatapong kanin. Ang report ay maaaring kulang pa sapagkat sa kasalukuyan, marami nang restaurant o fast food ang nag-o-ooffer ng unlimited rice. Sandamakmak na kanin ang pang-akit ng mga restaurant sa kanilang customers.
Ngayong ubod nang mahal ang bigas at wala pang mabili, dapat magkaroon na tamang pag-iisip ang pamahalaan kung paano maghihigpit sa mga restawran na nag-aaksaya sa kanin. Kailangang ipaunawa na hindi dapat sayangin ang kanin. Ipagbawal ang “unli-riceâ€. Bawasan ang siniserve sa customer. Liitan pa ang isang takal na kanin upang ganap na maubos at hindi itapon lamang. Ang kanin ay hindi para sa mga baboy lamang. Bago maging kanin, maraming hirap ang dinaranas ng mga magsasaka bago maihain sa hapag.
Ipaunawa sa mamamayan na huwag mag-aksaya sapagkat walang ibang magdurusa kundi ang sarili na rin. Kapag hindi naging masinop sa bigas o kanin, patuloy na aangkat. Patuloy ang malaking gastos at marami ang maghihirap. Matuto na sana. Ipakita ng magulang sa mga anak kung gaano kahalaga ang kanin kaya hindi dapat aksayahin.