MARAMI nang masamang isyu tungkol sa pre-paid SIM cards. Nagagamit daw ito ng mga terorista dahil puwedeng magsilbing triggering devise para magpasabog ng bomba.
Nagagamit din ito sa mga illegal na transaksyon sa sari-saring krimen kasama na ang sex trade at child abuse. Ubra ding gamitin ito para magpakalat ng mga porno materials.
At kung tumanggap ka ng death threat sa pamamagitan ng text message, hindi ito puwedeng gamiting ebidensya dahil hindi kilala ang nagpadala ng mensahe di tulad ng post paid na madaling matunton ang nagpadala.
Gayunman, marami ang tumututol dito. Paglabag daw ito sa privacy ng mamamayan. Eh ano ba naman ang pinagkaiba ng post paid sa pre-paid? Yung post paid ay nakarehistro ang pangalan ng may-ari kaya kung tumanggap ka ng pangit na mensahe sa madali mong makikilala ang may kagagawan. Pero hindi sa pre-paid na ang SIM ay puwedeng bilhin kahit sa bangketa nang walang kuskos balungos.
Kung may nagpasabog ng bomba, madaling matutunton kung sino ang may-ari ng ginamit na cellphone maÂliban na lang kung ninakaw ito. Ngunit kung ninakawan ka, dapat mo lang ireport kaagad.
Magiging batas na sana ito pero marami ang kumontra kaya na-TRO. Sabi ni Palace Spokesman Edwin Lacierda, masusing hihimayin ang usapin para ma-plantsa ang mga constitutional issues kaugnay ng rehistrasyon ng mga pre-paid SIMs.
Maaaring maapektuhan din ang bentahan ng mga SIM card kung ipatutupad ito. Pero kung seguridad ng buong banÂsa ang nakasalalay, dapat ipatupad na ang batas na iyan.
Wala akong nakikitang problema diyan tulad ng invasion of privacy. Mas maituturing na invasion of privacy tuwing tutunog ang cellphone mo tapos mababasa mo ang mga pekeng mensahe na nanalo ka ng sampung milyong piso, ek..ek. At lalung malaking peligro lalu na sa kabataan kapag nakatatanggap sila ng mga pornographic videos na magsasapanganib sa kanilang moralidad.