Paano bubuwagin ang New People’s Army?

AMBISYOSO ang target ng Armed Forces of the Philippines para sa taong ito: Ganap na lansagin ang New People’s Army (NPA) sa Eastern Mindanao, Southern Tagalog at Bicolandia.

Sa lawak ng pinupuntiryang NPA areas, parang sinabi na rin ng militar na uubusin na ang mga rebeldeng komunista sa buong Pilipinas.

Sa mga naturang rehiyon, tinataya ng AFP na nasa 3,000 katao pa ang puwersa ng mga rebelde, puwera pa ang may 1,700 na mga rebeldeng namumugad sa Davao-Compostela Valley.

Sino ba ang hindi matutuwa sa tinuran ng AFP na ang katumbas ay pagkakaroon ng kapayapaan sa mga lugar na binubulabog ng rebelyon? Ngunit sa paanong paraan? Natural, porke AFP ang nagsasalita, military action lang ang puwedeng gawin sa pagtupad sa kanilang adhikaing masugpo ang communist rebellion.

Pero napatunayan na natin sa napakahabang panahon na ang military action ay nagdudulot lamang ng kaligaligan at hindi kapayapaan. Tingin ko lang, sa bawat namamatay na NPA ay may mga pumapalit sa kanila upang ituloy ang armadong himagsikan.

Kahirapan at kawalan ng katarungan. Iyan ang ugat na komunismo. Hangga’t may mga naghihirap na Pilipino at mga mandarambong sa pamahalaan, mananatili ang ganyang uri ng himagsikan na minsan nga’y sinasamantala ng mga tulisan na nagpapanggap na mga rebeldeng komunista.

Hindi ako pabor sa ginagawang paniningil ng “buwis” ng mga NPA. Ang ginagawang iyan ay plain extortion dahil ang mga hindi nagbabayad ay kanilang pinapatay o kaya’y sinasabotahe ang mga negosyo.

Dapat apurahin ng pamahalaan ang pagsugpo sa kahirapan. Sinasabing umuunlad na raw ang ekonomiya pero nadarama na ba ito ng mga mahihirap na Pilipino na palaging biktima ng pagtataas sa presyo ng mga bilihin?

Ang epektibong pagsugpo sa isang problema ay putulin ang pinakaugat nito at ang ugat ng communist rebellion ay kahirapan at kawalan ng katarungan sa bansa. Kung nalutas na ang mga problemang iyan, awtomatikong mawawala ang rebelyon ng komunista.

 

Show comments