Kung statistics ang pagbabatayan, bumaba ang bilang ng mga walang trabaho ngayong huling anim na buwan ng taon.
Subalit, kung mismong taumbayan ang tatanungin, marami ang nagsasabing, hindi nila ramdam ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Nananatiling mataas ang bilang ng mga walang trabaho at marami pa rin ang mga nagugutom.
Ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng conditional cash transfer ay hindi sapat sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
Sa inilabas na datos ng Labor Force Survey ng National Statistics Office, tumaas ang bilang ng mga employed individual noong Oktubre kumpara noong Hunyo.
Ayon sa LSF, mula sa tatlong milyong walang trabaho, bumaba na lang ito sa 2.6 milyon. Sumatutal, nabawasan ang kabuuang bilang ng 400,000.
Marami ang hindi sumasang-ayon dito dahil ramdam nila ang totoong sitwasyon.
Nauna nang sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balicasan na logistics, manufacturing, infrasÂtructure sectors, tourism at agribusiness ang sagot sa kakulangan ng trabaho.
Sa pagpasok ng 2014, ayon sa Social Weather Station survey, kumpiyansa ang maraming Pinoy na magiging maalwan ang kanilang buhay.
Positibo rin sila na mas aangat pa ang ekonomiya ng Pilipinas sa buong taon.
Subalit, kahit anong survey pa ang ilabas ng pamahalaan kung hindi naman talagang ramdam ng mamamayan ang sinasabing pag-unlad at walang sapat na trabahong alok, wala rin itong saysay.
Sa bandang huli, ang uri pa rin ng pamumuhay ng mga mamamayan ang magiging batayan at sukatan kung talagang umuunlad ang isang bansa.