2013: Kalamidad dulot ng tao at kapaligiran

BABABA sa kasaysayan ang 2013 bilang taon ng kalamidad sa Pilipinas. Nagbukas ito sa pagkalumpo ng southern Mindanao sa Super Typhoon Pablo. Sumunod ang landslides sa eastern Mindanao, bagyo sa Northern Luzon, baha sa Metro Manila, at lindol sa Bohol-Cebu. At nagwakas ang 2013 sa Mega Typhoon Yolanda sa Eastern, Central at Western Visayas, at northern Palawan.

Inugat ng mamamayan ang naturang natural disasters sa mga man-made na katumbas. Libo-libong tao ang nasawi, at daan-bilyon-pisong bahayan, kabuhayan at infrastructures ang nawasak dahil sa kapabayaan ng pamunuang pampulitika. Inatupag lang nila ang pagpapa­natili ng kani-kanilang political dynasties sa pamamagitan ng maruming halalan, upang makontrol ang pork barrels sa Kongreso, Malacañang, at local levels.

Hindi man lang tinapos ng Comelec ang pagbilang ng boto nu’ng Mayo, o in-audit ang final results. Naupo ang datihang dynasts, at pinagpatuloy ang kani-kanilang tiwaling raket. Nabisto na sa raket ni pork barrel fixer Janet Lim Napoles pa lang, P10 bilyon na ang kinupit na Prio-rity Development Assistance Fund ng tatlong senador at limang kongresista -- at may di-bababa sa walo pang fixers. Nabisto rin ang P142-bilyong presidential pork barrel -- ang Disbursement Acceleration Program -- para 2011-2012. Bukod pa ang katulad na discretionary funds ng provincial capitols at city halls.

Dahil sa tatlong man-made salot na political dynasties, maruming halalan, at katiwalian, hindi naghanda ang opisyales para sa bagyo, baha, storm surges, at lindol. Kapos na nga sa emergency relief goods at kilos, namulitika pa ang iba’t ibang paksiyon-politiko. Kawawang bayan!

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments