GALING Zamboanga at kalalabas lamang ng NAIA-3 ang mayor ng Labangan, kanyang asawa, isa pang kamag-anak at isang 18-buwang sanggol nang pagbabarilin at napatay. Ilang tao pa ang nasaktan sa pamamaril. Ayon sa mga testigo, dalawang naka-uniporme ng pulis ang bumaril sa mga biktima. Nagtakbuhan ang mga tao sa waiting area nang magputukan. Nang maubusan ng bala ang mga namaril, tumakas sa pamamagitan ng motorsiklong naghihintay.
Mapapailing ka na lang talaga at mangangamba sa pangyayaring ito. Sa kabila ng eksena sa pinangyarihan ng krimen kung saan napakarami nang mga pulis, may modernong kagamitan, baril at magandang uniporme, itatanong mo kung nasaan sila nang maganap ang krimen. Ayon sa tagapamahala ng NAIA, wala pang CCTV sa pinangyarihan ng krimen dahil bahagi ito ng 23 systems upgrade na gagawin sa mga terminal, na nakatakdang matapos sa Hulyo 2014. Sa madaling salita, kahit ano pang paliwanag ninuman, sa susunod na taon pa magkaka-CCTV sa lugar.
At alam ng mga kriminal ito. Alam din nila na maluwag ang seguridad sa lugar, kahit ipilit pa ng NAIA-3 na may sapat na police presence sa lugar. Pero dahil nasa labas na raw ng paliparan, parang hindi na nila pananagutan ang seguridad? Hindi kailangan ang “police presenceâ€, kundi ang “police usefulnessâ€. Kailangan maging balakid sila sa krimen. May checkpoint bago makapasok ang anumang sasakyan sa mga rampa ng NAIA-3, kaya paano nakalusot ang mga mamamatay-taong ito? Dahil maluwag ang seguridad. Iyan ang nangyayari kapag maluwag ang seguridad, kapag hindi na sinusunod ang mga patakaran, kapag maluwag na sa lahat. Siyempre ngayon, mahigpit na.
Ganyan lagi. Maluwag ang pag-inspeksyon kaya may naaaksidente. Maluwag ang seguridad, kaya may napapatay. Kailan magbabago lahat iyan?