MUNTIK nang mabitay sa UAE si overseas Filipino worker John Aquino ng Pangasinan noong 1996 nang ako pa ang Ambassador doon. Kamatayan ang naging hatol kay Aquino dahil sa pagpaslang sa isang Indiano na naging British naturalized citizen na. Final na ang hatol nang dinatnan ko ang kaso noong 1994. Ayon sa decision ng korte, 34 na saksak ang natamo ni Mahli Singh kaya hindi maaring sabihin na self-defense ang kaso. Pero noong pina-translate ko sa English ang police report na nasa Arabic, lumabas na dalawa lamang ang fatal na saksak. Ang iba ay mga galos lamang.
Dahil final na ang decision, nag-offer na lang ako ng blood money sa pamilyang Singh para ma-commute ang bitay sa pagkabilanggo na lamang. Dahil naninirahan na noon sa Birmingham, UK ang pamilyang Singh, idinaan ko ang offer kay Philippine Charge d’ affaires sa London na si George Reyes at Labor Attache Ramon Tionloc. Pero nagmatigas ang pamilya Singh dahil hindi raw for sale ang kanilang mahal na si Mahli.
Dahil sa wala nang magawa si CDA Reyes at Attache Tionloc, pinuntahan ko ang Ambassador ng UK sa UAE na si Anthony Harris. Dala-dala ko ang mga papeles hingil sa kaso ni Aquino, lalo na ang report ni Reyes na ayaw tumanggap ng blood money ang pamilya Singh. Malugod na hinarap ako ng Ambassador at ng kanyang Consul-General na si Patrick Morgan.
To cut the long story short, nakauwi si Aquino nang matiwasay. Ang dahilan: Inatras ng pamilya Singh ang kanilang demand na bitayin si Aquino matapos silang balaan ng Bureau of Immigration ng United Kingdom na ipawalang saysay ang kanilang naturalization bilang UK citizens kapag hindi nila ini-withdraw ang kanilang demand na bitayin si Aquino sa UAE. Bawal kasi ang death penalty sa UK.