NABALITAAN ng pulubi na dadaan bukas ang Hari sa kanto kung saan siya palagi nakapuwesto. Naisip niya na natatanging pagkakataon ito para humingi siya ng tulong sa Hari. Maghapo’t magdamag niyang inisip kung paano niya sasabihin sa Hari na sasampung dakot ng bigas na lang ang tangi niyang ari-arian, bukod sa damit sa kanyang likod. Kung maari ay limusan sana siya ng sampung pirasong ginto, para pantustos sa pagkain at damit.
Kinabukasan nagkagulo sa plaza dahil napabalitang paparating na ang naka-kabayong pangkat ng Hari. Napadaan sila sa kanto kung saan nakaupo ang pulubi. Agad ito tumindig, lumapit, at nagsabi, “Pinaka-magandang umaga po sa inyo, Mahal na Hari.†Nilingon siya ng Hari, na nagwika, “Magandang umaga rin, kabayan. Ano ang donasyon mo para sa akin sa araw na ito?†Nagulat ang pulubi sa narinig, at napatanong, “Ano ‘ka niyo, Mahal na Hari?†Inulit ng Hari ang winika: “Sabi ko, kabayan, ano ang donasyon mo sa akin sa araw na ito?†At sa kalituhan, dumukot ang pulubi ng isang dakot na bigas at iniabot ito sa Hari. “Matulungin ka,†anang Hari, habang tinatapik sa batok ang pulubi.
Nagmuni-muni ang pulubi sa pangyayari. Inensayo pa naman niya ang paghingi ng limos sa Hari, pero siya pa ang nahingan ng donasyon. Nabawasan pa ako ng isang dakot na bigas, aniya sa sarili, sabay himas sa batok na tinapik ng Hari. Nagulat siya na meron palang inipit doon na isang pirasong ginto, kapalit ng kanyang isang dakot na bigas. Saka naisip ng pulubi, kung ibinigay pala niya ang sampung dakot na bigas, ay sampung pirasong ginto sana ang ibinigay ng Hari.
Ika nga, the more you give, the more you receive. Turo ng lahat ng relihiyon ang lubos na pagkakawang-gawa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com