BALITA na pinabitay ni North Korean President Kim Jong-Un ang kanyang tiyo, si Jang Song-Thaek dahil sa umano’y pagiging “traydorâ€. Inakusahan niya ang tiyuhin ng tangkang pag-agaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkalat ng intriga laban sa kanya. Naging taksil din umano ito sa kanyang amang si Kim Jong-Il.
Ayon sa mga eksperto sa North Korea, si Jang Song-Thaek ang tagapayo ni Kim Jong-Un para patakbuhin ang bansa. Pero dumating na siguro ang panahon kung saan hindi na natuwa si Jong-Un sa mga payo ng kanyang tiyo. Sa mada-ling salita, ayaw na niyang may nagpapayo at pinagsasabihan siya. Napunta na nang husto sa ulo ang kanyang kapangyarihan kaya pinapatay na lang niya ito. Ganun kadali kumilos sa North Korea, dahil hindi naman demokrasya ang estilo ng gobyerno. Ang dinidiyos sa North Korea ay ang presidente.
Nababahala ang mga eksperto sa kilos na ito sa North Korea. Ngayon wala na si Song-Thaek, baka kung anu-ano pa ang pumapasok sa isipan ni Jong-Un. Isa sa nababahala ay ang South Korea.
Tumataas ang tensyon sa Korean peninsula. Tumataas ang tensyon sa karagatan at himpapawid sa South East Asia. May balita na muntik pang magbanggaan ang barkong pandigma ng Amerika at China sa West Philippine Sea. Maliit na tilamsik na lang ba ang hinihintay para lumiyab na ang buong rehiyon? Huwag naman sana.