Talikdan ang kasalanan

ANG katarungan ay ipagkakaloob ng Panginoon sa mga dukha at ipagtatanggol Niya ang karapatan ng mga kawawa. “Mabubuhay S’yang marangal at sasagana kailanman.” Sa ikalwang linggo ng Adbyento ay muling ipinaaalaala ang ating lubusang pagsisisi. Sa ilog Jordan ay lubusang ipinangaral ni Juan Bautista na pagsisihan at talikdan ang mga kasalanan sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.

Namangha si Juan sa paglapit ng mga Pariseo at mga Saduseo upang sila rin ay magpabinyag. Sinabi niya: “Kayong lahi ng mga ulupong! Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyong pamumuhay na kayo’y nagsisisi. Binibinyagan ko kayo sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t pagtalikod sa inyong mga kasalanan.” Kasunod nito ay ang pagbibinyag ng Espiritu Santo at sa apoy. Tayong mga Kristiyano ba ay lubusan din ang pagsisisi para magbago ang buhay at maging mabuti?

Para kay Mateo, si Juan ang katuparan ni Propeta Isaias para maghanda sa daraanan ng Panginoon. Pinagpala Siya ng Espiritu Santo sa Kanyang pagpapahayag sapagkat Siya’y Mensahero ng Diyos. Ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay ang kabuuan ng tunay na paghahanda. Ito ay ang lubusang pagsisisi. Wala nang hinahangad si Hesus na ating regalo sa pagsapit ng Kanyang kaarawan kundi ang ating pagbabalik-loob sa Kanya. Magiging tunay ang panahong ito ng Adbiyento kung lagi nating isasabuhay ang aral ni Juan Bautista. Ang tunay na diwa na kapaskuhan ngayon ay magbigay ng tulong sa mga nasalanta ni Yolanda. Ang Diyos Ama ay nagbigay sa atin ng Kanyang Pag-ibig na walang iba kundi si Jesus. Bigyan din natin ng simbolo ng pag-ibig ang ating kapwa.

Isaias 11:1-10; Salmo71; Rom15:4-9 at Mt3:1-12.

* * *

Bukas (Dec. 9) ipagdiriwang ang Inmaculada Concepcion de Maria. Ngayon ang ika-38 taon ng ordinasyon ko bilang pari. Binabati ko sina Alvin at Beth Lleva sa kanilang 19th wedding anniversary. Binabati ko rin si Popoy Oral Pagayon, president and gen. manager ng Filipino Inventors Producer Coop, sa Delta Quezon City.

 

Show comments