NOONG nakaraang Martes, mga 8:00 ng gabi, ipinasa namin sa Kongreso ang batas na nagsasaad na ang P14 bilyon na sana ay napunta sa mga Kongresista bilang PDAF ay sa halip ibigay na lahat para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta ni Yolanda at iba pang mga sakuna.
Isa ako sa mga sumuporta sa batas. Binigyan ang bawat Kongresista ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang boto. Ito ang buod ng sinabi ko: Hinimok ko ang lahat na habang inaatupag namin ang kapakanan ng mga biktima ni Yolanda ay huwag naman namin dapat kinakalimutan ang mga biktima ng Filipino diaspora na umabot na ng 10 milyon.
Masakit para sa OFWs na nahihiwalay sa kanilang mga pamilya. At siyempre masakit rin para sa mga pamilya na nuulila rito sa Pilipinas. May kautusan sa Biblia na: “What God has put together, let no man put asunder.†Ngunit ang nangyayari ngayon ay: “What God has put together the Filipino diaspora has been putting asunder by the millions. Pero ang pinaka-masaklap sa lahat ay kulang na kulang ang proteksyon na binibigay ng gobyerno sa 10 milyon nating mga OFWs.
Mayroon lamang tayong mga 1,000 na katauhan ngayon na nakatalaga sa mga embahada natin, at mga 500 lamang sa kanila ang nakatutok sa pagproprotekta sa mga OFW. Yung iba ay nakatutok sa economic diplomacy at sa furtherance of national security kuno. Samakatuwid ang ratio ay isang kawani lamang ng DFA/Dole bawat 20,000 na OFWs. Kaya dahil sa walang sapat na tauhan ang mga embahada, karamihan sa mga OFWs lalo na ang ating mga kababaihan ay inaabuso o ginagahasa sa araw-araw.
Ang Filipino diaspora ay isang uri ng super typhoon na mas nakapipinsala kaysa kay Yolanda dahil ito ay walang humpay na nanalasa sa ating mga OFWs mula pa ng magsimula ang overseas employment noong dekada 1970’s hanggang ngayon. Hindi lang libu-libo ang binibiktima nito kundi milyun-milyon. Kailangan maglaan ng supplemental budget ang gobyerno para sa mga biktima ng bagyong may taglay na pangalang Filipino diaspora.