MARAMING aral na inihatid ang Bagyong Yolanda hindi lamang sa mga nabiktima kundi pati na rin sa gobyerno. Mapanira at mamamatay tao si Yolanda pero nag-iwan naman ng matinding aral. Iminulat ang gobyerno kung paano maghahanda sa pagÂdating nang malakas na bagyo at kung paano aakto nang tama at mabilis na madadalhan ng relief goods ang mga nasalanta. Binatikos ang pamahalaang Aquino ukol dito. Inamin naman ng gobyerno na nagkulang sila at naging mabagal sa pagsasagawa ng relief operations pero sa sunod daw, magiging perpekto na sila.
Sa pananalasa ng bagyo napagtanto rin na dapat pangalagaan ang kapaligiran. At isa sa dapat alagaan o protektahan at lalo pang pagyamanin ay ang mga bakawan (mangroves). Ngayon lamang lubusang napagtanto ang kabutihang dulot ng mga bakawan sa buhay ng tao lalo sa panahon ng bagyo. Ang mga bakawan ay nagsisilbing panangga sa malalaking alon na dulot nang malakas na hangin. Binabasag ang alon at nawawalan ng puwersa kaya hindi gaanong mapaminsala sa mga nakatira sa baybay dagat.
Lubhang napakahalaga ng mga bakawan para mapigilan ang malalaking alon sa pagtama sa mga kabahayan. Ang storm surges na tumama sa maÂraming bayan sa Leyte at Eastern Samar ay nagÂdulot nang pagkamatay ng 5,000 katao at pinsala sa ari-arian na umaabot sa bilyong piso. Pero sabi ng mga eksperto, naiwasan daw sana ang pagkamatay ng mga tao at pinsala kung may nakahadlang sa pagtama nang malalaking alon. Umano’y wala nang hadlang o harang sa baybayin ng Leyte kaya nang lumaki ang mga alon, walang anumang naitulak nang malakas na hangin.
Kung mayroon daw mga bakawan na hadlang, napigilan ang ragasa ng alon. Subalit wala nang gaanong bakawan sa Leyte at Samar.
Walang ibang masisisi sa unti-unting pagkaubos ng mga bakawan kundi ang mga tao na rin. Umano’y pinuputol ang mga bakawan para gawing panggatong at uling. Kinukuha sapagkat mahusay din umanong gamot ang bakawan na nakalulunas sa maraming sakit. Ginagawa ring dye ang ugat ng bakawan kaya walang awang pinuputol.
Ngayo’y nakita ng pamahalaan ang tulong ng bakawan sa panahon ng bagyo. Sana, magkaroon nang malawakang kampanya sa pagtatanim ng bakawan sa mga baybaying dagat. Parusahan naman ang sisira sa mga ito.