Sunod-sunod na sakuna, maraming dulot na aral

SA wikang Tsino iisa ang salita para sa “krisis” at “oportunidad”. Kasi nga naman, sa likod ng anumang gulo ay pagkakataon. At sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad na tumama kamakailan ay maraming leksiyon para ipagbuti ng bansa.

Una rito ang kahandaan sa sakuna. Hindi dapat umasa ang local government units sa pambansang pamunuan para dito. Kailangan sa bawat probinsiya, siyudad, at munisipyo ang alternatibong paraan ng komunikasyon kapag naputol ang mga linya ng land at mobile lines.

Dapat din may imbak na relief goods sa bawat LGU: tubig, gamot, pagkaing de-lata, bigas, lutuan, damit, kumot, gamit pambanyo, atbp. At dapat siguraduhing hindi expired ang mga ito. Kahiya-hiya ang mayor ng Maribojoc, Bohol, na nakipag-away sa Red Cross dahil wala siyang sariling relief goods para sa mga nilindol na bayan.

Isaulo rin dapat ng LGUs ang disaster prevention. Halimbawa, sa tabing-dagat na pook, ipagbawal ang pagputol ng mangrove forests. “Natural seawall” ang bakawan laban sa tsunami at storm surges na maaring bumura sa mga komunidad sa pampang. Makasarili ang pagputol nito para ibentang uling. Matuto sa mangrove reforestation ng bayan ng Prieto Diaz, Sorsogon, ng Silay City sa Negros, at ng probinsiya ng Quezon sa Luzon.

Bahagi rin ng disaster prevention ang pagsunod sa National Building Code at zoning ordinances. Nakasaad sa mga ‘yan kung saan maari magtayo ng kabahayan, at ano ang nararapat na materyales. Hindi dapat mag-construct sa pook na bahain o madaling mag-landslide.

Sana huwag nang bumili ang gobyerno ng 15 fighter jets. Sa halip, cargo aircraft at helicopters na lang ang kunin -- angkop sa sakuna.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments