NANG batikusin ng foreign media ang pamahalaan ay saka lamang natauhan. Nang magdaos ng press conference noong Huwebes sa Malacañang, inamin ni Press Secretary Sonny Coloma na naging mabagal ang response ng pamahalaan sa pagtulong sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. Parang inamin na rin ni Coloma na walang sistema sa pamamahagi ng relief goods ang pamahalaan. Pero kumambyo pa rin at sinasabing ginagawa raw ng pamahalaan ang lahat para mabigyan ng tulong ang mga biktima. Ito ay pagkaraan ng anim na araw mula nang manalasa si Yolanda sa Visayas region noong Nobyembre 8.
Grabeng pininsala ang mga bayan at lungsod sa Leyte, particular na ang Tacloban. Napinsala rin ang Eastern Samar. Sa pinakahuling report ng NDRMMC, nasa mahigit 3,000 na ang namatay sa Yolanda.
Binabatikos ang pamahalaan sa mabagal na pagkilos sa pamamahagi ng relief goods. Sa Tacloban, marami ang umiiyak at halos panawan ng katinuan sapagkat apat o limang araw nang hindi kumakain.
Nang magtungo si DILG Sec. Mar Roxas sa Tacloban, maraming naglabas ng sama ng loob at ngitngit sapagkat pakiramdam nila, kinalimutan na sila ng gobyerno. Wala raw agarang pagkilos ang pamahalaan para sila matulungan. Sagot naman ni Roxas, hindi sila kinalilimutan ng pamahalaan. Hindi raw agad nakarating ang tulong sapagkat walang madaanan ang mga trak. Marami raw nakaharang na poste, punong kahoy at iba pang basura. Pero sabi ni Roxas, ginagawa na raw ng pamahalaan ang lahat nang paraan.
Ngayon ang ika-siyam na araw mula nang manalasa si Yolanda. At ngayon pa lang unti-unting nakakatikim ng tulong ang mga biktima. Kung hindi pa binatikos ng mga dayuhang mamamahayag ang mabagal na pag-response ay hindi gagawa ng paraan ang gobyerno para makarating ang tulong sa mga biktimang nalugmok. Kung hindi pa lantarang pinuna ay hindi magkukumahog at kikilos. Pero bago nakakilos ay marami nang namatay sa gutom. Nakaligtas nga sila sa bangis ni Yolanda pero hindi sa gutom.