ISANG linggo na ang nakalilipas mula nang manaÂlasa ang Super Typhoon Yolanda pero hanggang ngayon, marami pa ring lugar sa Leyte partikular sa Tacloban ang hindi nadadalhan ng tulong gaya ng pagkain, damit at gamot. Ang iba dahil sa takot mamatay sa takot ay napipilitang maglakad para makaalis sa Tacloban at nagtutungo sa Samar na kalapit lalawigan. Maraming naglalakad at tumatawid ng San Juanico Bridge para makatakas sa gutom. Hindi nila alam kung kailan may darating na tulong.
Bukod sa nararanasang gutom, idinadaing din ng mga residente ang masangsang na amoy mula sa mga nabubulok na bangkay ng tao at hayop. Karamihan sa mga patay ay hindi pa naililibing. Unang sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi pa dapat ilibing ang mga bangkay sapagkat kailangang ma-identify muna. Hindi naman daw banta ang mga ito sa kalusugan. Nagkalat ang mga bangkay sa tabing daan. Sa TV report, ang mga evacuees na nasa Kapitolyo ay nagsisiksikan at halos sa katabing gusali ay naroon at naaamoy ang mga nabubulok na bangkay.
Maraming biktima ang umiiyak habang kinakaÂpanayam ng mga TV journalist kasama ang CNN at BBC. Sabi ng ilan, nakaligtas sila sa delubyo pero sa gutom daw at baho ng kapaligiran sila mamamatay. Nakapanlulumo ang tanawin na may ama na umiiyak sapagkat ayaw niyang makitang namamatay sa gutom ang kanyang maliliit na anak. Mayroong lalaki na ayaw iwan ang bangkay ng kanyang kapatid sapagkat baka hindi na niya ito makita. Nakapanlulumo rin ang tanawin ng mga bata at matandang may mga sugat na hindi man lang nasasayaran ng gamot.
Bumuhos ang tulong mula sa ibang bansa. Pero ang masakit na katotohanan, hindi ito maideliber nang ayos sa mga nangangailangan. Walang sistema ang gobyerno kung paano madadala ang mga pangunahing pangangailangan. Maski si Defense Secretary Voltaire Gazmin ay nagsabing hindi niya alam kung sino ang in-charge sa pagdi-distribute ng relief goods. Hindi rin organisado ang gobyerno pagdating sa pagtulong sa mga nasalanta. Kung tutuusin, dapat sanay na ang pamahalaan sa ganitong sitwasyon sapagkat taun-taon ay mahigit 20 bagyo ang bumabayo sa bansa. Ngayon nakita ang katotohanan na walang nakahandang plano ang pamahalaan sa biglaang pangangailangan. Kahapon sa press conference sa Malacañang, sinabi ng tagapagsalita na ginagawa na ang lahat para sa mga biktima ni Yolanda --- pagkaraan ng anim na araw.