KATAWANG isinampay na parang damit sa bintana at may nakatusok na bakal sa tiyan. Ganito ang huling larawan ng anak ang tumatak sa utak ng isang ama.
“Inisip kong buhay pa ang anak ko kaya humingi ako kaagad ng tulong,†simula ni Tito.
Ika-28 ng Mayo 2012 papuntang Masbate sina Tito Cabral, 48 taong gulang, nagtatrabaho bilang gwardya, taga Batasan Hills Quezon City kasama ang kanyang dalawang anak at isang pamangkin. Sa likod ng drayber ng Rorobus Transport Services Inc., nila napiling umupo.
Nakatulog sina Tito dahil umaabot ng labing apat na oras hanggang labing anim na oras ang biyahe mula Maynila papuntang Masbate.
“Papa yung tsinelas ko nandyan pa!†sigaw ng anak niyang babae na noo’y sampung taong gulang lamang. Nagising siya nang marinig ang anak.
“Akala ko madumi lang ang mukha ko, dugo na pala dahil may tama ako sa noo,†kwento ni Tito.
Bumangga sa puno ng ‘Acacia’ ang sinasakyan nilang bus. Nakayod ang buong kaliwang parte nito at ang kinauupuan lamang ng drayber ang hindi nadale.
Agad na bumaba ng bus si Tito at hinanap ang labing isang taong gulang niyang anak na si Carlos. Natagpuan niyang tila nakasampay sa bintana ng bus ang anak at may nakatusok na bakal sa tiyan nito.
“Tulong! Tulungan niyo ang anak ko!†sunud-sunod na sigaw ni Tito.
Ibinaba ng mga rumesponde ang kanyang anak at agad na dinala sa Ragay District hospital. Siya naman kasama ang ilan pang nasaktan ay dinala sa Bicol Medical Center.
“Si Carlo ang umupo sa may bintana habang ang kaÂpatid naman niyang nakababata hawak-hawak ko,†kwento ni Tito.
Agad na tumakas ang drayber ng Rorobus na nakilalang si Blair Bailon matapos ang aksidente.
“Dalawang drayber ang magkarelyebo nun. Mabilis talagang magpatakbo si Blair. Nung kakaupo niya pa lang para magmaneho muntik na kaming sumalpok sa kapwa bus kaya nagsigawan ang mga pasahero,†salaysay ni Tito.
Matapos malapatan ng paunang lunas pinuntahan ni Tito sa ospital na pinagdalhan ng kanyang anak na si Carlo.
“Sinabi sa akin ng doktor na patay na siya. Tinawagan ang misis ko para ibalita ang nangyari,†ayon kay Tito.
Ang anak naman niyang si Theresa ay dumadaing sa sakit ng ulo ngunit wala naman itong natamong sugat kaya hindi nila ito pina-Computed Tomography Scan (CT scan).
Dinala sila Ragay Municipal Police Station upang kunan ng salaysay.
Kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Multiple Physical Injuries ang isinampang kaso laban sa drayber.
Nung araw din yun naglabas ng resolusyon si 2nd Asst. Provincial Prosecutor Richard T. Cu. Nagtakda siya ng Php24,000 bilang piyansa ng drayber sa naisampang kaso.
“Ang inspector ng Rorobus ang nakipag-usap sa amin na si Reynaldo Lim,†ayon kay Tito.
Pagkarating ng kanyang misis pinapirma sila ng inspector ng “Affidavit of Desistance†na sila’y hindi na magsasampa ng kasong sibil o kriminal. Php85,000 ang ibinigay na pera sa kanila upang madala sa Maynila ang bangkay ng kanilang anak.
Kinabukasan ng alas 7:15 ng umaga sumuko ang drayber na si Blair at saglit na nakulong dahil agad itong nagpiyansa.
Ang ilan umano sa mga nasaktan sa aksidente ay takot magsampa ng kaso kaya siya lamang ang dumadalo sa mga hearing.
“Isang beses lang silang pumunta ng hearing tapos napag-alaman kong bibigyan pa raw ng huling pagkakataon ang panig ng drayber bago maglabas ng warrant of arrest,†pahayag ni Tito.
Dagdag pa ni Tito hinihingian pa umano siya ng tiket para magpatunay na siya’y naging pasahero ng Rorobus sa nasaÂbing araw.
“Nawala ko na ang tiket ko. At isa pa nakalagay sa report ng pulis na nakasakay ako doon at ang anak ko,†ayon kay Tito.
Nakatakda ang susunod nilang pagdinig sa Disyembre 5, 2013.
“Gusto kong maipakulong ang drayber dahil sa nangyari sa anak ko. Dapat pagbayaran niya kung ano ang naging kasalanan niya,†sabi ni Tito.
Hindi nila napa-autopsy ang bangkay ng kanyang anak dahil minadali nilang dalhin ito sa Maynila. Ito ang dahilan ng kanilang pagpunta sa aming tanggapan.
Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES†sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Tito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga pampublikong sasakyan tulad ng bus ay may mga batas na sinusunod. Dapat silang magkaroon ng ‘Extraordinary Diligence’ sa paghahatid ng kanilang pasahero. Ibig sabihin kailangang makarating sa kanilang patutunguhan ang mga nakasakay na maayos at ligtas. Ito ay ayon sa ‘Public conveyance law’.
Tatlong beses hindi dumating sa hearing ang akusado hindi ba dapat maglabas na ng ‘warrant’ para siya’y mahuli?
Sa pagpirma naman nina Tito ng affidavit of desistance, yung mga sandaling yun tarantahan na yun. Ang importante kailangan nila ng pera bilang tulong. Kapit na sila sa patalim kaya sinunggaban na nila ang pera.
Gaya ng madalas naming sabihin, ang pagbibigay ng pera sa biktima ay para lamang sa sibil na aspeto at hindi ibig sabihin ay mahuhugasan na ang nagawang kasalanang kriminal. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) Sa gustong dumulog para sa inyong problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique) o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maari kayong lumiham sa pamamagitan ng email sa tocal13@yahoo.com.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038