NATURAL lang magngingit ang mga kasapi ng Social Security System. Ginantimpalaan kasi ng political appointee-trustees nila ang mga sarili ng tig-P1 milyon performance bonus. Ito’y sa kabila maraming hinaing ng kasapian na naaantalang pensiyon, maghapong pila sa SSS offices, at naglipanang manlolokong employers.
Para sa mga kasapi, hindi karapat-dapat miski pisong bonus sa palpak na pamamalakad. Pero, sa kakapalan ng mukha, nagpapalusot pa ang SSS trustees na hindi sa kontribusyon ng mga kasapi, kundi sa kinita sa investments, nanggaling ang bonuses.
Nakakalimutan marahil ng trustees na ang SSS ay private mutual provident fund, na pinamamahalaan lang ng gobyerno para sa kasapian. ‘Yan ang dahilan kaya itinatalaga ng Malacañang ang trustees, at ang staff ay nasasailalim ng Government Service Insurance System. Tungkulin ng trustees palaguin ang mga kontribusyon -- sa pag-invest sa stocks at bonds -- para pam-pensiyon ng kasapi. Ang kita sa investments, na ipinam-bonus ng trustees, ay kuwenta tubo ng mga kontribusyon.
Nu’ng administrasyon ni President Arroyo, ibinulsa ng SSS trustees ang kinita sa investments. Pinautang pa nila ang mga sarili para pambili ng stocks ng mga kompanya kung saan nag-invest ang SSS. Hinabla sila ng Aquino administration ng katiwalian. Sa pagbalato ng bonus sa sari-sarili, inuulit ng kasalukuyang trustees ang katiwalian.
Inaprubahan umano ng Governance Commission for GOCCs ang bonuses, noon pa mang nirepaso nila ang SSS 2012 performance at inaprubahan ang 2013 business plan. Pero halatang mali ang pagrepaso at pag-apruba, dahil hindi nasilip ang palpak na pamamalakad ng trustees at mga hinaing ng kasapian. Kaya isoli dapat ang bonuses.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com