NOBYEMBRE 23, 2009, Maguindanao. Limampu’t walong tao, binubuo ng mga kamag-anak ni Ismael Mangudadatu, mga mamamahayag at ilang sibilyan, ang pinagbababaril ng mga umano’y tauhan ni Andal Ampatuan Sr., gobernador ng Maguindanao noong panahong iyon. May mga ulat na ilang babae ang ginahasa pa raw bago pinatay. Mga babae ay binaril pa sa mga maseselang bahagi ng katawan at pinugutan. May dalawang buntis sa mga biktima. Anim na biktima ay nadamay lang dahil napagkamalang kasama sa convoy ng mga Mangudadatu. Ang anak mismo na si Andal Ampatuan Jr. ang sinasabing isa sa mga tuwang-tuwa na namaril sa mga tao. Nang matapos na ang pagpatay, nilibing ang mga ito sa nakahandang hukay kasama ang mga sasakyan para hindi makita. Pero mabuti na lang at nahanap sila, at ipinaalam sa buong mundo kung ano ang kanilang sinapit sa kamay ng mga kalaban sa pulitiko. Nakita ng mundo ang matinding tunggalian ng mga magkalaban sa pulitika sa Pilipinas.
Malapit na ang ika-apat na anibersaryo ng Maguindanao massacre. At ang tanong ko, may nangyari na bang makabuluhan sa kaso laban sa mga salarin? Wala, hindi ba? Bakit? Apat na taon, hindi pa umuusad ang kaso? Ilang abogado ang nagpahayag na sa dami ng mga akusado, baka umabot ng 100 hanggang 300 taon ang paglilitis ng kaso. Totoo ba ito? Kaya ba napakabagal ng pag-usad ng kaso dahil sa mga kilos at mosyon ng bawat abogado ng mga akusado? O dahil isa-isang namamatay, o pinapatay ang mga testigo?
Kailan nga ba makakamit ng mga biktima ang hustisya, kung mag-aapat na taon na ay tila wala pang nangyayari? At kahit nabigyan ng atensyon ang peligrong dinaranas ng mga mamamahayag, patuloy pa rin ang pagpatay sa ilalim ng administrasyong Aquino. Walang takot ang mga nagpapapatay sa mga mamamahayag, siguro dahil sa nakikita na wala namang nakukulong sa Maguindanao massacre. Kung sa kasong iyan na kilalang-kilala na sa buong mundo ay wala pang makabuluhang nangyayari, paano pa ang mga kasong hindi naman masyadong nabigyan ng atensyon tulad sa Maguindanao? Talagang pinaka-peligrosong hanapbuhay ang isang mamamahayag sa Pilipinas. Daig pa ang mga mamamahayag na nasa magugulong bahagi ng mundo tulad ng Iraq at AfghanistaÂn. Wala ngang digmaan dito sa atin, pero marami pa rin ang namamatay. Pinapatay pala.