ISANG buwan makaraang lagdaan ni President Noynoy Aquino ang batas laban sa bullying, isang siyam na taong gulang na estudyante ang nag-aagaw buhay sa isang ospital matapos pagtulungang bugbugin ng kanyang mga kaklase. Nasa Grade 4 ang estudyante. Ang alam ko, ang mga ganitong klaseng away ay nagaganap sa high school o kolehiyo, hindi sa grade school!
Ayon sa ilang testigo, pinagtatadyakan at pinagsusuntok daw sa tiyan si Fred Aston Mendoza, dahil nang-iinis daw. Nang umuwi sa kanila, napansin ng ina ang mga pasa sa katawan at nagkalagnat noong gabi. Dinala sa ospital at napag-alaman na nagdurugo raw ang atay. Inoperahan. Nasa kritikal na kalagayan pa. Ayon sa Malabon police, may pitong kaso ng bullying ang naitatala na sa siyudad.
Wala bang bisa ang bagong batas laban sa bullying? Nagkulang ba ang paaralan sa pagpapaliwanag ng nasabing batas, para magsilbing babala sa mga kilalang bully? O kulang pa rin ng pangil ang bagong batas kaya hindi binibigyan ng halaga? Ano na ngayon ang gagawin ng batas sa mga nam-bully kay Mendoza? Mapaparusahan ba?
Malinaw na walang tunay na epekto ang bagong batas laban sa bullying, dahil patuloy pa ring nagaganap ito. Maraming bata ang walang alam, o walang pakialam sa batas, dahil alam nilang sasaluhin sila ng mga magulang. Alam na gagawin ng magulang ang lahat para protekÂtahan sila. Ano kaya kung ang magulang ang parusahan? Maging epektibo kaya ang batas? Nagtatanong lang. Tandaan na responsibilidad ng mga magulang ang palakihin ng tama ang kanilang mga anak, hindi ba? O kaya ang paaralan ang bigyan ng tadhanang parusa kapag may insidente ng bullying na maganap.
Nakakagulat na ang bullying ay magiging malaking problema ngayon. Hindi ako sigurado kung mas malala ang bullying ngayon kaysa noong araw, pero malinaw na nakuha na ang atensyon ng bansa. Hindi magandang balita kapag may batang nag-aagaw buhay dahil sa pagmamalabis. At lalong hindi magandang isipin na tila walang sapat na parusang aabot sa mga gumawa nito. Alam kong mga menor de edad ang pinag-uusapan, pero menor-de-edad din ang biktima, na maaari pang mawala sa mundo.