NASA 150 na ang mga namatay sa lindol sa Bohol at marami pang hinahanap. Maraming tulay at kalsada ang hindi na ligtas daanan. Maraming gusali ang nagkabitak-bitak at inaalam pa kung ligtas pasukan ng tao. Abala ang mga inhinyero sa kaiinspeksyon ng mga tulay, gusali at bahay. Pero ang labis na nakalulungkot ay ang pagguho ng mga lumang simbahan sa Bohol at Cebu, na hindi pa malaman kung maibabalik pa sa dating anyo. Siyempre, hindi na maibabalik katulad ng dati. Dahil luma ang mga disenyo ng mga nasabing simbahan, walang laban sa malakas na lindol.
Naganap ang lindol sa tinatawag na East Bohol fault line. Pero marami pang mga fault line sa ating bansa, dahil bahagi ang Pilipinas sa tinatawag na “Pacific Rim of Fireâ€. Bukod sa mga fault line, marami rin tayong mga bulkan. Sa madaling salita, hindi sekreto na ang ating bansa ay nakapatong sa isang hindi matatag na lupain. Pero wala naman tayong magagawa diyan.
Ang dapat gawin, ay paghandaan ang isang natural na kalamidad tulad ng lindol. Ayon sa mga arkitekto, kapag nagtatayo ng mga bagong gusali, tulay o bahay, kasama na dapat dito ang mga bagong disenyo para maging matatag sa oras na tumama ang ilang klaseng lindol. May lindol na kahit na gaanong katibay na gusali ay babagsak pa rin. Sana hindi tayo tamaan ng ganyang klaseng lindol.
Sa Japan, halos araw-araw ay nakararanas ng pagyanig ng lupa. Lahat ng kanilang imprastraktura ay ginawa para maging matatag sa isag lindol. Siyempre, may mga lindol na wala talagang magagawa na ang tao. Pero dahil alam nilang nakatayo sila sa hindi matatag na lupain, hinanda na nila ang kanilang sarili. Pati ang kanilang mamamayan ay laging nagsasanay para sa lindol. Mahalaga iyon.
Dapat matuto nang husto ang lahat sa nangyari sa Kabisayaan at Mindanao. Kung tila gumanda na ang kahandaan sa bagyo at baha, kailangan ganundin para sa lindol. Sa katunayan, dapat mas handa para sa lindol dahil walang nakakaalam kung kailan tatama. Walang babala, walang senyales, wala lahat. Matataranta ka na lang kapag niyayanig na ang kinatatayuan mo. Ito ang kailangan daw iwasan, ang mataranta. Kailangan buo ang loob, at alam ang gagawin. Dapat palawakin pa ng gobyerno ang pagkalat ng mga mahalagang impormasyon kung ano ang mga dapat gawin sa oras na lumindol.