NANG ihayag ni Land Transportation Office (LTO) chief Virginia Torres noong nakaraang linggo na siya ay magreretiro na, maraming may-ari ng sasakyan ang natuwa. Noon pa, marami nang nananalangin na sana ay sabunin siya ni President Aquino para magkaroon ng dahilan at siya ay umalis na sa puwesto. Estilo kasi ng Presidente na sabunin ang mga palpak na pinuno ng ahensiya. Sinabon niya ang pinuno ng National Irrigation Administration (NIA) noong Marso at nag-resign ito. Sunod na sinabon ang pinuno ng Bureau of Immigration dahil sa pagtakas ng mga illegal alien at ganundin ng Reyes brothers ng Palawan, nag-resign din. Ilang taon na ang nakararaan, sinabon din niya ang chief PAGASA at nag-resign din. Pinasaringan din niya kamakailan ang NBI chief kaugnay sa Napoles case at agad nag-resign.
Lahat nang mga sinermunan ay binakante ang kanilang puwesto. May mga delikadesa kasi. Pero ang hinihintay na pagsermon ng Presidente kay Torres dahil sa paglalaro umano nito sa casino ay hindi nangyari. Na-videohan si Torres habang nasa harap ng monitor ng isang casino. Pero katwiran niya, tini-tingnan lang daw niya ang mga ilaw. Pero nang may mga lumabas pang video na nakataas ang mga paa niya habang naglalaro, tumibay ang paniniwalang naglalaro nga siya ng slot machines. Ganunman, hindi pa rin siya sinermunan ng Presidente. Si Torres ay “shooting partner†ng Presidente.
Hanggang sa biglang magdesisyon si Torres na hanggang katapusan na lang ng Oktubre. Sabi umano ni Torres, sa loob nang mahigit 30 taon sa puwesto ay bababa raw siya na nakataas ang noo. Ibig niyang sabihin, wala siyang nagawang mali sa serbisyo. Malinis ang kanyang konsensiya.
Pero kung titingnan ang kanyang mga nagawa mula nang i-appoint ng Presidente sa LTO, maraming motorista ang nagdusa. Sa kanyang panunungkulan lamang nangyari na inabot nang maraming buwan bago mailabas ang mga plate number ng sasakyan at ganundin ang stickers. Hanggang ngayon, maraming sasakyan na conduction number ang ginagamit dahil wala pang plate number. Mabagal din ang pag-iisyu ng driver’s license gayung wala nang drug testing. Walang nakitang maganda sa kanyang termino sa LTO.
Salamat at nagretiro na siya. At sana, pati iba pang LTO officials ay magretiro na rin para magkaroon ng pagbabago sa tanggapan.