Tips sa mga sumasakay ng taxi

PARANG sirang plaka na ang BITAG sa pagbibigay ng babala sa publiko laban sa mga gumagalang “taxi driver”. Subalit, hindi kami magsasawang magbigay ng babala para makaiwas sa mga sindikato sa lansangan!

Hindi na bago sa publiko ang modus ng mga nagpapanggap na taxi driver. Marami na ang mga nabiktima. Araw-araw may nadadagdag sa listahan na nadedenggoy ng sindikato. Bawat biktima ay may mga karanasang hindi malilimutan dahil sa matinding takot at pag-aalalang naidulot sa kanila.

Maaaring iba-iba ang estilo ng mga sindikato sa pagsasagawa ng krimen pero, nananatiling isa ang “mukha,” ng kanilang panloloko! Mag-ingat, dahil posibleng isa ka sa mabiktima. Maaaring mamaya, bukas o sa makalawa.

Para makaiwas, narito ang ilang mga tip upang hindi mabiktima ng mga sindikato!

Bago sumakay ng taxi, pabuksan sa driver ang trunk o baggage compartment upang matiyak na walang nagtatagong kasabwat ang taxi driver. Hanapan ng identification card ang driver. Mabuting kuhanan din siya ng litrato gamit ang inyong cell phone.

Ugaliing ipagbigay-alam sa mga kapamilya, kakilala at malalapit na kamag-anak ang plaka at pangalan ng driver gayundin ang eksaktong lugar at oras ng inyong pagsakay.

Kapag pumalag ang taxi driver, magduda na kayo!

Ngayong yuletide season, patuloy na pinaalalahanan ang publiko partikular ang taxi riders, maging alisto sa mga nangyayari sa inyong kapaligiran. Huwag agad magtitiwala sa mga driver para makaiwas sa panlilinlang!

Show comments