NAKASUSULASOK ang nakalalasong usok sa Metro Manila. Katulad din ng namamayaning corruption ngayon sa mga ahensiya ng gobyerno na ikinasusuka na ng taumbayan. Halos nagkakapareho ang air pollution at corruption na ang ngipin ay nakasakmal sa leeg ng kaawaawang mamamayan.
Walang pagbabago ang kalidad ng hangin sa Metro Manila. Unti-unting nilalason ang mga residente lalo na ang commuters na araw-araw ay nakakalanghap ng usok mula sa tambutso ng mga sasakyan. Maitim na maitim ang usok na ibinubuga ng mga sasakyan particular ang mga bus at dyipni. Halatang wala nang maintenance ang mga pampasaherong sasakyan. Pasada lang sila nang pasada. Wala nang pakialam kung nilalason nila ang hangin at nagdudulot ng sakit sa commuters at maski sa mga residente.
Nababalot na ng corruption ang mga ahensiya ng pamahalaan na dapat ay nagmo-monitor sa mga sasakyang nagbubuga nang nakalalasong usok --- Land Transportation Office (LTO), Department of Transportation and Communications (DOTC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi na nagagampanan ng tatlong tanggapang ito ang kanilang tungkulin.
Ang mga sasakyan bago ma-renew ang registration ay kinakailangang sumailalim sa emission testing. Dito makikita kung ang sasakyan ay nagbubuga nang maitim na usok na lumalason sa tao at kapaligiran. Paano nakalusot ang mga sasakyan at nairehistro muli sa kabila na maitim na maitim ang usok at halatang hindi na dumaan sa maintenance.
Ano ang ginagawa ng DOTC? Sa kasalukuyan, wala nang mga nanghuhuli sa mga bus na nagbubuga ng usok. Wala na ang smoke belching campaign nila. Ningas-kugon ang kampanya ng DOTC.
Wala rin namang ginagawa ang DENR. Hindi nila maipatupad ang Clean Air Act. Sa ilalim ng batas, bawal ang pagsusunog ng mga basura, paggamit ng mga kakarag-karag na sasakyan at ganoon din ang paggamit ng incinerator. Walang pangil ang DENR kaya patuloy na sinisira ang kapaligiran.
Habang sinasakmal ng corruption ang mga ahensiyang ang tungkulin ay pangalagaan ang kapaligiran, sinasakmal din ang mamamayan ng nakalalasong usok. Ang kaawaawa ay ang mga susunod na henerasyon.