NANGAKO si Sen. Guingona. Walang sasantuhin ang kanyang Senate Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon ng PDAF scam. Nag-umpisa itong parang asong ulol – hindi bibitiwan ang pagsakmal sa isyu hanggang magkaalaman. Sa hearing ng kanyang committee unang nasaksihan ang whistle blower na si Benhur Luy at ang kanyang testimonyang lalong nagpainit sa iskandalo. Sa kamay ni Guingona, naging panatag ang bansa na walang aatras sa sagradong pangako na mailabas ang katotohanan kahit sino pa man ang masagasaan.
Kahapon ay nasubukan natin kung gaano kaseryoso si GuingonaÂ. Sa muling patawag ng Blue Ribbon Committee hearing, sumipot man si Secretary of Justice Leila de Lima ay hindi naman nito naisama ang iba pang mga whistleblower na haharap dapat sa imbestigasyon. Sa mga tagamasid, malinaw itong pagdisrespeto sa kapangyarihan ng Blue Ribbon Committee ng Senado, lalo na’t ipinangako pala ni De Lima na sisipot ang kanyang mga testigo.
Hindi ito ang unang beses kung saan nagpakita ng ganitong kawalan ng respeto at pagpapahalaga si De Lima sa matataas na kagawaran ng Pamahalaan. Maaalalang maski ang mismong Mataas na Hukuman ang kanyang binalewala nang pilit nitong harangin ang pag-alis ng bansa ni Gng. Gloria Arroyo noon. Kahit pa may TRO ang hukuman na huwag hadlangan ang karapatan nito bilang mamamayan na makakabiyahe sa ibang bansa, pilit itong hinarang ni De Lima.
Ang paliwanag ni De Lima, na nakapending ang kaso sa Ombudsman at baka ito maapektuhan ng publisidad, ay dahilang walang batayan. Ilang beses nang nilinaw ng Supreme Court na kahit pa sa Korte na mismo nakasampa ang kaso, hindi pa rin ito sapat upang mahadlangan ang kapangyarihan ng Senado at ng House na magpatawag ng imbestigasyon tungkol sa kaparehong isyu.
Ipapasubpoena raw ni Sen. Guingona ang mga whistle blower sa Huwebes. Ang problema’y kinatigan ni Senate President Franklin Drilon ang paliwanag ni De Lima kaya hindi raw nito ipapa-subpoena ang mga testigo. Malaking pagsubok ito para kay Guingona dahil si Senate President Drilon ay napapag-usapan ding kaibigan ni Ms. Jenny Napoles.
Buong bansa ang nakamasid sa kalalabasan ng banggaang Guingona vs De Lima, Guingona vs. Carpio Morales at Guingona vs. Drilon. Ang masasabi lang natin kay Guingona ay hindi ka nag-iisa. Bansang Pilipino ang naniniwala at nakikiisa sa inyong paninindigan.