EDITORYAL - Nakapagtataka

Noong Agosto 16, 2013, tumawag ng press con ang Commission on Audit (COA) at inilabas ang listahan ng mga mambabatas at kanilang mga kamag-anak na nagsilbing incorporators ng non-government organizations (NGOs) na nakatanggap ng fund transfer mula sa Priority Development Assistance­ Fund (PDAF). Ayon sa COA nasa P188.6 million ang nai-transfer sa mga mambabatas. Na­ganap umano ang fund transfer mula 2007 hanggang 2009. Maraming mambabatas ang nabanggit at may kabilang sa administration. Nang magsagawa ng imbestigasyon ang Senate blue ribbon committee ukol sa P10-billion pork barrel scam nabanggit muli sa COA report ang mga pangalan ng mambabatas na nakinabang sa PDAF. Muling nabanggit ang pangalan ng mga mambabatas na kabilang sa administrasyon. Kabilang sa mga nabanggit ang mga mambabatas na sina Joel Villa­nueva, Neil Tupas, at Isidro Ungab, dating senador Edgardo Angara­. Senate­ Majority Leader Alan Peter Cayetano, House Majority Leader Neptali Gonzales II at iba pa.

Pero noong Lunes, nakapagtatakang wala ni isa mang nasampahan ng kaso sa mga nabanggit na mambabatas. Sinampa ng Department of Justice at National Bureau of Investigations (NBI) kasong plunder sa 38 tao at nangunguna rito ang tatlong opposition senators na sina Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. Sinampahan din ng kaso ang dalawang dating kongresista at ang ‘‘utak’’ ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.

Bakit walang nasampahan sa mga mambabatas na kabilang sa administrasyon ? Bakit tila pinili ang mga kalaban sa pulitika? Kung babalikan ang mga sinabi ng DOJ at ni Presidente Aquino, sinabi nila na walang partisan dito. Walang sasantuhin kahit mapa-administrasyon ang nagkasala. Gugulong daw ang hustisya. Mapaparusahan daw ang may kasalanan sa scam.

Pero sa nangyayari na tila ang mga kalaban lamang­ ang nadidiin at laging laman ng balita, parang hindi totoo ang mga binitawang salita na walang sasantuhin. Tila selective at lumilihis sa dapat ay kasuhan ang dapat kasuhan.

Sabi naman ng DOJ, mayroon pang second batch na sasampahan ng kaso. Baka naman dito na kasama ang mga mambabatas na â€˜â€˜malapit’’ sa administrasyon.

Show comments