Trial by publicity, guilt by photography
KUNG nagbabasa ka ng diyaryo, nanonood ng tv o nakiÂkinig ng radyo, siguradong nakabuo ka na ng opinyon tungkol sa mga pangyayari sa PDAF scandal. Ang karaniwang verdict, guilty si Napoles, guilty ang mga Senador at guilty ang mga Kongresista. May picture ka nga lang kasama ni Napoles, pag-uusapan ka na. Maging sa lahat ng talakayan – sa hapag kainan ng pamilya, sa eskwela o sa trabaho, ang pangalan ng mga pangunahing bida (o kontrabida) ay may kabit na pagkasuklam tuwing babanggitin.
Ang Freedom of expression ay karapatang pantao at isa sa pinaka-mahalagang kumpuni ng demokrasya. Sukdulang manipestasyon nito ay ang garantiya ng malayang pamamahayag. Sa sarili nating kasaysayan, naranasan na natin ang kawalan ng mga sagradong kalayaang ito. Madalas, ito ang tanging depensa laban sa abuso ng kapangyarihan o di kaya’y kaisa isang pag-asa para maipaalam sa publiko ang mga maitim na lihim ng administrasyon. Freedom is power, wika nga.
Ang problema’y gaya ng ibang kapangyarihan, ang freedom of expression at freedom of the press ay posible ring abusuhin. Kapag hindi ginamit sa responsableng paraan, lalo na kung ito’y baluktutin para itaguyod ang pulitikal na interes, nawawala ang bisa nito bilang haligi ng demokrasya at sa halip ay nagagamit bilang instrumento ng mismong abuso na nais nitong kontrahin. Ang tunay na bisa nito ay sa pagpalabas sa tao ng katotohanan na walang bahid na kulay o pabor kaninoman.
Sa pagpapatupad nito ay posibleng may masaÂgasaan na ibang karapatan na kaÂsing halaga din sa isang deÂmokrasya. Gaya na lang ng Constitutional presumption of innocence o ang karaÂpatan na ituring na inosente hanggat ang pananagutan sa ilalim ng batas ay mapatunayan sa pamamagitan ng isang fair trial – paglilitis na iniiwas sa impluwensya mula sa labas.
Sa ating criminal justice system, isa ito sa haligi na madalas ay siyang tanging proteksyon laban sa malakas na puwersa ng pamahalaan.
Ang tensyon na namamagitan sa gitna ng dalawang nag-uumpugang karapatang ito ay mamamasdan sa PDAF scandal. Ang press ay hindi nagpapaawat sa paglabas ng scoop na madalas ay hindi nabibigyan ng kapaÂrehang timbang ang panig ng pinaghihinalaan.
Ang resulta nito ay paÂtuloy na impluwensya sa isip ng mga magpapasya laban sa nasasakdal. Imbes na presumed innocent ay hindi pa man nag-uumpisa’y presumed guilty na.
- Latest