NATAGPUAN na ang sasakyan ni Kristelle “Kae†Davantes, ang senior account manager ng isang ad agency na pinatay. Natagpuan ang sasakyan sa Las Piñas. Inabandona maÂtapos tanggalan ng ilang kagamitan. Wala rin ang bag at cell phone ng biktima. Malaking breakthrough ito sa kaso. Bakit inabandona ang sasakyan? Dahil ba masyadong mainit ang sasakyan sa media para ibenta o katayin? O wala silang interes sa sasakyan? Mga adik ba ito na gumawa lang ng krimen? O may ibang dahilan kung bakit pinatay si Davantes? May paniniwala na kapag siniguradong patay ang isang biktima sa pamamagitan ng pagtadtad ng saksak at paulit-ulit na pagbaril, ay dahil kilala niya ang mga kriminal.
Ito ang mga tanong ngayon, dahil hindi pa nahuhuli ang mga halimaw. Pero sana ay mahuli na para makasuhan at maparusahan. Nagbigay na ng reward na P200,000 para mahuli ang mga kriminal. Sana makatulong. Hindi puwedeng makatakas na lang ang mga gumawa nito.
Nababahala ako sa dami ng krimen kung saan mga babae ang biktima. Panggagahasa at pagpatay sa mga mag-aaral sa Laguna, ang pagpatay sa isang dating talent ng ABS-CBN, carnapping kung saan babae ang may dala ng sasakyan. Hamon ito sa mga otoridad. Kung madalas maganap ang krimen sa gabi, bakit kaunti ang nagpapatrulyang pulis? Kaya ba mas marahas at wala nang kinakatakutan ang mga kriminal ngayon ay dahil alam nilang kakaunti ang pulis kapag kumagat na ang dilim?
Ang kaligtasan ng bawat tao ang pangunahing layunin ng bawat gobyerno. Walang kompromiso dapat sa pagpigil ng krimen. Umaasa pa rin ang isang lipunan sa kaligtasan at katahimikan ng bansa. Madali na ang kaunlaran kapag matatag na ang mga ito.