Malacañang tinatratong pang-lokal lang ang Zamboanga hostaging

NAKAKA-KILABOT ang CNN news footages sa hostage-taking sa Zamboanga City. Paulit-ulit ipinakita ang mga sundalo na bumabaril sa mga kabahayan sa tabing-dagat na baryo kung saan nagtatago ang 180 armadong kapaksiyon ni Nur Misuari sa Moro National Liberation Front. Maiisip ng manonood kung natatamaan kaya ng bala ang 40 taga-baryo na hinostage ng mga huramentadong MNLF. Kasi sa layong 500 metro, hindi naman matitiyak ng mga sundalo kung kriminal o biktima ang inaasinta. Ang alam lang nila, sa direksiyon na ‘yun nanggaling ang putok ng rifles ng MNLF snipers.

Anang MNLF lawyer at spokesman Atty. Emmanuel Fontanilla, si Misuari lang ang makakalutas ng standoff. Inii-snub at binabastos umano ng Malacañang ang kanilang founder, kaya nagwawala ang kasapian ng MNLF. Dapat daw kausapin ng Malacañang si Misuari.

Giit naman ni presidential peace process adviser Teresita Quintos Deles, ginugulo lang ng MNLF ang peace talks ng gobyerno sa mas malaking Moro Islamic Liberation Front. Malimit umano siya nakikipag-sulatan at pulong kay Misuari tungkol sa mga dapat tapusing isyu sa ilalim ng peace pact ng gobyerno at MNLF nu’ng 1996. Ipinahiwatig niya na kasalanan ni Misuari ang paghuhuramentado ng 180 kapaksiyon kung hindi niya inuulat sa kanila ang mga kasunduan nila kamakailan.

Samantala, nagkakagulo sa ibaba. Tinatrato ng Malacañang na lokal na problema lang ng Zamboanga City ang pangho-hostage ng pangkat ng 180 de-ripleng huramentado sa 40 sibilyan. Ipinaubaya sa bagong mayor ng Zamboanga ang paglutas sa krisis, at pakikipag-negosasyon para palayain ang hostages. Hindi pinupulong ang national crisis committee sa ilalim ng Executive Secretary.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments