Southwest Terminal ng MMDA perhuwisyo

MARAMI ang nagtatanong: Ano ba itong “common terminal” na itinayo ng Metro Manila Commission, solusyon o konsumisyon? Layunin daw nito na lutasin ang problema sa paglipana ng mga kolorum na sasakyan at ang masikip na daloy ng trapiko. Pero imbes na matuwa, nagrereklamo na ang maraming mananakay na taga-Cavite at Batangas sa perhuwisyong dulot ng Southwest Terminal na nasa Uniwide Coastal Mall sa Parañaque.

Kasi naman, hanggang Southwest Terminal lamang sila at pagkatapos ay lilipat sila sa mga city buses at jeepneys upang makarating sa mga destinayon nila sa Maynila. Bukod pa sa na-doble ang kanilang pasahe, lubhang sobra ang abala lalo na kung umuulan at sila ay nagkakandabasa.

Umaaray din ang mga bus operators dahil sa kanilang pagkalugi sapagka’t nabawasan ang biyahe nila. Sa halip na lima o anim na balikan, ito ay naging  tatlo na lamang.

Sa panig ng mga drivers sobrang inis na sila dahil mas–yadong matagal ang kanilang paghihintay sa loob ng terminal. Napakahaba raw ng pila. Sigurado pati take home pay nila ay nabawasan.

Dahil dito’y nanawagan ang Cavite provincial board na  suspindihin muna ang naturang operasyon ng MMDA sa Southwest  Terminal. Ang mga naturang grupo ay nagbaba-lak ng kilos protesta para malaman ng Pangulong Pinoy ang paghihirap nila dulot sa kautusan ng MMDA.

Alam nating hinahanapan lang ng solusyon ng MMDA ang problema sa trapiko at kolorum. Pero hindi rin natin masisisi ang taumbayan kung batikusin ang ahensyang ito. Tanong ng mamamayan kay Chair Tolentino ng MMDA: Saan napupunta ang pera na ibinabayad ng mga city buses and jeepneys  sa terminal na tinatawag na “exit fees”. Ito ay binabayaran kada gamit ng  terminal ng mga naturang sasakyan. Ang koleksiyon nito ay umaabot sa mahigit  na tatlong milyong piso kada Linggo. Saan daw napupunta ang pera?

Ang resibong ibinibigay para sa tinatawag na exit fees ay iniisyu ng Uniwide na ang kontrata sa paggamit ng lupa ng Manila Bay Development  Corporation (MBDC) ay kinansela na nuong pang 2010 dahil sa hindi pagbabayad nito ng renta.

Bakit nakipag transaksyon ang MMDA sa Uniwide kung ito ay maliwanag na wala nang karapatan sa lupa at illegal ang paggamit nito? Ito ay nalahad  sa kautusan ng Court of Appeals at ng Security and Exchange Commision na  pinagbabayad ang Uniwide sa MBDC. Ano ang kasunduang naganap sa pagitan ng MMDA at Uniwide? Nagtatanong lang po.

Show comments