NAKAKABAHALA ang mga holdapan, patayan at nakawan na ang may mga kagagawan ay motorcycle riding-in-tandem criminals. Gamit ang motorsiklo, madali nilang naisasakatuparan ang kanilang aktibidades.
Sinadya talaga nilang gamitin ang ganitong uring sasakyan dahil madali silang nakakaeskapo sa lugar, segundo lang matapos isagawa ang krimen.
Patuloy na nagbababala ang BITAG sa publiko, iwasang lumabas o maglakad nang mag-isa sa mga madidilim na eskinita.
Sa mga nagtatrabaho sa mga opisina at tanggapan, hangga’t maaari, huwag nang magpagabi sa daan. Kung talagang hindi maiiwasan, sumama sa karamihan o ‘di naman kaya ay lumabas lagi na may kasama.
Tandaan, ang mga criminal ay walang pinipiling pagkakataon. Basta may nakitang oportunidad, sasalakay sila.
Ayon sa Philippine National Police, isa sa matatagal ng problema sa bansa na hindi pa rin nasosolusyunan ang riding-in tandem. Ngayong Christmas season, asahan ng dadami pa ang mga criminal at tataas ang mga insidente ng krimen.
Bagama’t nakaalerto ang mga awtoridad, hindi ito dapat gawing garantiya na ligtas ang publiko sa mga masasamang-loob.
Huwag maging kampante. Dapat mag-ingat ang lahat upang hindi mabiktima ng kriminal sa lansangan! Nasa amin ang babala, nasa inyo ang pag-iingat!
* * *
Manood at makinig ng Bitag Live! araw-araw tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa AKSYON TV Channel 41 at Radyo 5 o via live streaming sa www.bitagtheoriginal.com/bitagsaradyo.