EDITORYAL - Baha na may ihi ng daga

NOON, kapag may baha, ang kinatatakutan ay baka tangayin ng agos at malunod. Pero nga­yon, mas kinatatakutan na magkaroon ng leptospirosis habang nakababad ang mga paa’t binti sa baha. Kapag may sugat, delikadong ma-infect ng tubig na may ihi ng daga. Nakamamatay ang leptospirosis kapag hindi naagapan.

Pero sa kabila ng mga babala na delikadong lumusong sa baha, marami pa rin ang lumulusong at nagtatampisaw. May mga magulang na natutuwa pang panoorin ang kanilang mga anak na lumalangoy sa baha. Tila hindi natatakot na maaaring magka-leptospirosis ang kanilang mga anak. Kung ang kanilang anak nila ay may sugat sa binti, maaaring dito magdaan ang bacteriang leptospira na galing sa ihi ng daga. Isang linggo makaraang makapasok sa sugat ang bacteria magkakaroon na ng lagnat ang biktima. Kapag hindi naagapan, maaapektuhan ang kidney. At ang malubha, maaaring mamatay ang biktima.

Nang manalasa ang habagat sa Metro Manila noong nakaraang linggo, maraming bata ang naligo sa baha. Sa isang squatters areas sa Fairview, Quezon City, maraming bata ang tuwang-tuwa na tumatalon sa maruming tubig habang sa di-kalayuan ay nakatingin at tuwang-tuwa ang mga magulang. Sa España Blvd. at sa Recto Avenue, sa Maynila ay maraming bata rin ang naglalaro sa baha.

Ayon sa Department of Health (DOH) mula Enero 1 hanggang Agosto 10, 2013, nasa 133 na ang nagka-leptospirosis at 10 na ang namatay. Noong nakaraang taon, 357 kaso ng leptospirosis ang naitala at karamihan ay mga taga-Maynila ang biktima.

Kung saan maraming basura ay naroon din ang mga daga at tiyak na marami rin ang ihi. Kapag umulan, aanurin ang ihi sa kung saan-saan at iyon ang magiging mitsa ng buhay ng mga tao. Bago pa malaman ng biktima, malubha na ang kalagayan. Sabi ng DOH kapag naapektuhan ang kidney, maaaring magpa-dialysis ang biktima.

Paalala sa mga magulang, huwag hayaan ang mga anak na maligo sa baha na may ihi ng daga at baka magka-leptospirosis.

Show comments