MADALING maberipika kung nagsugal nga o hindi sa casino si Land Transportation Office chief Virginia Torres. Makikita sa videotapes ‘yan, o kung, sa bersiyon niya, lumapit lang siya sa isang slot machine nang mabighani ng mga nagsasayawang ilaw.
Meron kasing mamamayan na nag-post sa Internet ng cell phone snapshot ni Torres na hitsurang naglalaro sa casino. Ibinabawal ng isang Marcos presidential decree at Arroyo executive order ang paglalaro sa casino ninomang opisyal o empleyado ng gobyerno. Pinaka-mababang parusa: anim na buwang suspension mula sa tungkulin. Ang immediate superior ang dapat magpataw, sa kasong ito, si Transportation Sec. Joseph Emilio Abaya. Ka-barilan sa gun club ni President Noynoy Aquino si Torres.
Sa retrato, relaxed na nakaupo si Torres sa harap ng isang slot machine, nakatuntong ang mga paa sa base nito, at ang isang kamay ay tila nilalaro ang mga buton. ‘‘Matagal na ‘yon,’’ paliwanag ni Torres. Kumain lang umano sila ng isang kaibigan nang makita ang liwanag ng slot machines sa ibaba, kaya lumapit siya para basahin ang instructions.
Nagkalat ang video cameras sa gaming pits ng mga casino. Para sa security atbp. patakaran, sakop ng video cams lahat ng slot machines at card tables, pasilyo at sulok. Itinatabi ng casinos ang video files. Ganyan nga nahuli ng video nu’ng 1996 sina noo’y Vice President Joseph Estrada at anak na noo’y mayor Jinggoy na naglalaro ng high-stakes baccarat sa Hyatt Heritage VIP lounge. Sa samang palad, pinatay nu’ng 1999 si Pagcor employee Edgardo Bentain na umano’y nag-leak ng videotape.
Paano madaling matitiyak ang petsa ng paglalaro o pagkabighani ni Torres? Simple: ipahalungkat sa kanyang executive diaries. Kung wala siyang tinatago, ilalabas niya agad ang petsa para mapawalang-sala. Kung hindi, e di meron siyang tinatago. O kaya, para hindi ma-ala-Bentain, manawagan sa nag-post sa Internet na ilabas ang petsa.