Agosto

Buwan ng Agosto – narito na naman

at ang buwang ito ay ngayong tag-ulan;

Baha’y umaagos sa maraming bayan

na ang dala’y dusa sa mga tahanan!

 

Baha sa Maynila, baha sa probinsiya

kaya buong bansa lubhang nagdurusa;

Mga tao’y hirap at walang magawa

kundi ang magtiis dahilan sa baha!

 

Dahil sa barado ang ilog at kanal

ang mabahong agos ay abot sa bahay

Matanda at batang nasa sa lansangan

kung hindi maingat ay baka mamatay!

 

Malalaking bahay at tahanang pawid

sa bahang malakas pinasok ng tubig;

Mga kasangkapa’t mamahaling gamit

basang-basa ito saka puro putik!

 

Kahit bahagya lang ulan sa Maynila

mga bus at jeepney nagtigil pasada

Nawalang masakyan matanda at bata

stranded ang tao sa mga bangketa!

 

May babaing kongresista sa ating Batasan

ang nagpanukalang ang baha’y iwasan;

Gawin daw Setyembre ang maging pasukan

ng mga eskwela sa ‘ting paaralan!

 

Panukalang ito’y pag-aralan sana

diyan sa Kongreso nitong bayang sinta;

Kami’y okey dito’y tama lang talaga

upang maiwasan ang bagyo at baha.

Show comments