BAKIT nga naman lilinisin ang crime scene, na wala pang isang araw nang maganap? Ito ang pagkadismaya ni DILG Sec. Mar Roxas nang malaman na ipinalinis na ang lugar kung saan sumabog ang bomba sa Cagayan de Oro City. Labindalawang oras pa lang ang lumipas, bakit lilinisin na? Hindi mabilis ang imbestigasyon, lalo na sa atin dahil kulang tayo sa modernong kagamitan. Ang dapat ginawa ay binantayan ang crime scene nang hindi magalaw ang lahat ng ebidensiya, hanggang matapos ang imbestigasyon.
Naaalala ko si Gerardo Biong, ang pulis na unang dumating sa bahay ni Lauro Vizconde, kung saan sinunog niya ang mga duguang kumot, binasag ang salamin sa may pinto at ginalaw pa ang ibang ebidensiya kung saan nakulong siya dahil sa kanyang mga ginawa. Baka may ebidensiya sa mga pinakialaman niyang gamit na magtuturo sa mga tunay na salarin.
Para sa isang imbestigador, sagrado ang isang crime scene. Ito ang maaaring “magsalita†kung ano ang nangyari at kung sino ang mga posibleng suspek. May mga ebidensiya na hindi kaagad makikita, kaya hindi dapat ginagalaw ang crime scene. Kailangang masuyod nang husto, bago masabing tapos na ang imbestigasyon. Isa lang ito sa mga nakakadismayang nagaganap sa PNP, ayon kay Roxas. Kasama na ang rubout sa Atimonan, ang pagpatay kay Ricky Cadavero at iba pang mga masasamang pinaggagawa ng ilang pulis sa PNP. Pero ayon kay Roxas, minamabuti nila ang reporma sa PNP, para sa kabutihan ng mamamayan, pati ng organisasyon mismo. Kaya nagÂlaan ang Palasyo ng P170,000 bawat istasyon, para sa 1,700 istasyon para maayos ang mga kailangang ayusin. “Oplan Hilamos†ang tawag sa plano. Siguro mga banyo, mga lugar kung saan puwedeng magpahinga sandali ang mga pulis at lugar na kakainan. Una nang binigyan ng mga bagong baril ang PNP, ngayon, ang kani-kanilang mga istasyon naman. Mas gaganahan ka nga naman kapag maayos ang lugar ng pinagtatrabahuhan mo, di ba?
Pero kailangang matukoy ang mga nagaganap sa PNP ngayon. May mga binatikos na ahensiya si President Aquino sa kanyang SONA. Sa tingin ko dapat pinuna niya rin ang mga problema sa PNP, bukod sa pagpuri sa ilang tapat at mabuting pulis. Malalaking isyu ang hinaharap ng PNP ngayon, kung saan ang kanilang imahe ay apektado.