NAGPA-ANGIOPLASTY ang aking kakilala noong nakaraang Biyernes. Ang angioplasty ay operasyon para tanggalan ng bara ang ugat na nagbibigay nutrisyon sa puso. Apat ang bara ng kilala ko, kaya apat na aparato ang inilagay sa loob ng mga baradong ugat. Ito ang bagong pamamaraan para sa puso, imbis na buksan ang dibdib at maglagay ng panibagong ugat sa puso. May diabetes ang aking kakilala kaya mukhang komplikasyon niyon ang naganap na pagbabara.
Tinanong ko kung magkano inabot ang operasyon. Kulang-kulang P800,000 daw. Siguro kung isasama lahat ng gastos pati mga gamot na kailangang inumin, baka isang milyon na. Nalaman ko rin na walang medical insurance, maliban siguro sa Philhealth.
Wala pa rin talaga sa kultura nating mga Pilipino ang maglaan ng pera para sa health o medical insurance maliban sa Philhealth. Malakas gumastos sa iba’t ibang bagay – kaÂgamitan, damit, alahas, pagkain, bakasyon – pero walang nilalaan para sa kalusugan. Ang sabi nga ni Suze Orman, isang sikat na tagapayong pinansyal, nang makapanayam ko noong siya’y nandito, dapat daw tumigil na ang Pilipino sa kabibili ng mamahaling kape, at maglaan para sa kalusugan sa pamamagitan ng health insurance, pati na para sa kanyang pagretiro. Lahat tayo ay magkakasakit, sabihin na natin. Walang tao ang hindi makakaranas ng malubhang sakit sa kanyang buhay. Walang problema kung mayaman na mayaman ka, kung saan hindi tumitigil ang pasok ng pera. Pero iilan lang ba ang may ganyang klaseng buhay? Kahit mga tiwaling tao ay nauubusan na rin kapag wala na sa kapangyarihan, hindi ba? Karamihan sa atin ay nagtatrabaho para kumita.
Malakas din kasi ang pamahiin na kapag iniisip na ang mga ganyang bagay ay lalong mangyayari sa iyo. Ang henerasyong nauna sa akin ay ganyan mag-isip, lalo na kapag gusto kong pag-usapan na ang mga memorial plan. Ayaw talaga nilang pag-usapan. At kapag nangyari na ang mangyayari, walang pantustos sa gastos. Kaya dapat baguhin na ang pagtingin sa mga health insurance, pati na ang mga memorial plan. Kailangang maglaan na ng pondo para rito, para kapag dumating ang hindi inaasahan, handa na kahit papano. Iba ang handa, di ba?