SA mga magagaling na boksingero isang prinsipyong sinusunod ay yaong “don’t telegraph your punches.†Hangga’t possible huwag mong ipaaalam ang iyong susunod na bigwas sa kalaban. Kaya nga yung iba ay eksperto sa pamemektos. Kunwa’y iaamba ang kanan pero kaliwa pala ang ibibira.
Dapat alam na alam iyan ni Sarangani Rep. at People’s Champ Manny Pacquiao na nakita na at napatunayan ang husay sa boksing. Ang pulitika ay may pagkakahawig sa boksing. Kaya malaking palaisipan kung bakit sinabi ni Pacquiao sa isang panayam na may balak siyang kumandidato sa pagka-pangulo ng Pilipinas.
Ito kaya ay paraan para pulsuhan ang reaksyon ng taumbayan? Marami ang napataas ang kilay at mayroon ding lumait sa pahayag ni Pacquiao na tila minamaliit ang kanyang kakayahang mamuno sa bansa.
Sa mga reaksyon sa social media, mayroon din namang nagtatanggol sa kanya at nagsasabing di puwedeng maliitin ang kakayahan ng politikong boksingero. Walang hadlang kung kakandidato si Pacquiao sa pagka-pangulo dahil isa siyang Pilipino. Sa ilalim ng batas, kahit sino na marunong sumulat at bumasa ay puwedeng kumandidato sa ano mang political position.
Naglabas ng statement ang Kongresista na nagsasabing mali ang pagkaintindi sa kanya ng tao. Hindi raw siya nagbabalak kumandidato sa 2016. Aniya, inihahayag lang niya ang kanyang pangarap na maging Presidente dahil tinanong siya kung may plano siyang puntiryahin ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.
Palagay ko ay may fighting chance si Pacman dahil sa kanyang popularidad at perang kailangan sa kampanya. Pero nakakatakot kung ang isang katulad niya ay magpapahayag ng kanyang ambisyong maging Pangulo nang napakaaga.
Tiyak maraming mga politikong nag-aambisyon din ang mangangatog at ngayon pa lang ay magpaplano na ng demotion job para wasakin ang reputasyon ni Pacquiao.