MARAMI ang umaangal sa pagmahal ng presyo ng bigas sa pamilihan. Kahapon, inireport sa isang radio program na maraming mamimili sa Balintawak Market, Quezon City ang nagtaka sapagkat biglang nagmahal ang kanilang bigas na binibili. Ang dating bigas na nabibili nila ng P32 per kilo ay naging P34 at mayroon pang naging P37. Ang matindi pa, ayon sa mamimili, hindi maganda ang kalidad ng bigas na kanilang binili.
Sa Lucena City, maraming consumers din ang umaangal sa pagtaas ng presyo ng bigas. Ayon sa consumer watchdog Bantay Bigas, buwan-buwan ay tumataas ng P1 hanggang P2 ang kilo ng bigas. Ayon sa Bantay Bigas, noong Hunyo ay tumaas ng P1 per kilo ng bigas at ngayong Hulyo ay nagtaas uli ng P1. Marami umanong nangangamba na pagsapit ng Agosto ay magkakaroon muli ng pagtataas sa presyo. Karamihan sa mga umaangal ay ang mahihirap na kakarampot ang kinikita. Baka raw hindi na makabili ng bigas ang mga mahihirap dahil walang tigil sa pagtaas.
Ang pagtaas ng bigas ay tila taliwas naman sa inihayag ni President Aquino sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22.
Sabi ng Presidente, “Ang pagpapalakas naman sa sektor ng agrikultura: natupad din. Isipin po ninyo, ayon sa NFA: Noong 2010, nag-angkat ang bansa ng mahigit dalawang milyong metriko tonelada ng bigas. Noong 2011, bumaba ito sa 855,000 metric tons. Noong 2012: 500,000 metric tons na lang. At ngayong 2013: Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.â€
Bakit nga nagmamahal ang bigas e sapat naman pala ang supply ng bansa at mag-eeksport pa? Hindi kaya ‘‘nakuryente’’ lang ang Presidente sa nireport niya sa SONA? Kung sapat ang bigas, hindi na dapat pahirapan ang mga mahihirap na ultimo isang butil ay may katapat na halaga. Dapat bang kapusin sa bigas ang isang agricultural na bansa? Dapat bang may magutom sa bansang ito?